Hindi gaanong nalubos ng isang lalaki na mamuhay sa labas ng selda matapos itong pagbabarilin ng armado sa Tondo, Maynila, kahapon ng umaga.
Sa ulat ni PO3 Ryan Jay Balagtas ng Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), dakong 10:45 ng umaga ay nakatayo sa Molave Street, malapit sa kanto ng Batangas St., si Ryan Tom Cay, 25, ng 1120 A2 Batangas St., Tondo, Maynila, nang bigla siyang pagbabarilin ng ‘di pa nakikilalang suspek na inilarawang nakasuot ng orange na jacket at maong pants.
Ayon sa mga residente sa lugar, nakarinig sila ng sunud-sunod na putok ng baril at nang kanila umanong tingnan ay tumambad ang duguang biktima.
Posible umano, ayon sa awtoridad, na may kinalaman sa ilegal na droga ang pamamaslang makaraang aminin ng ama ng biktima, si Tomas Cay, na drug dependent si Ryan at kalalaya lamang nito noong Marso 7 dahil sa kasong theft.
Patuloy ang imbestigasyon sa insidente. (Mary Ann Santiago)