Iniharap kahapon sa media ng Philippine National Police (PNP) ang tatlong Korean na inaresto ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa kanilang pagsalakay sa Makati City at Benguet.
Kinilala ni PNP Director General Ronald dela Rosa ang mga naarestong sina Yong Ho Jeon, at mag-asawang Yang Sum at Yang Myung Ock Yeo.
Ayon kay Dela Rosa, unang dinakip, sa pamamagitan ng warrant of arrest o judicial decision ng Jeonju District Court ng Republic of Korea dahil sa kasong fraud, ng CIDG-Anti-Transnational Crime Unit (ATCU) si Jeon sa Milano Residence, Century, Makati City.
Napag-alaman na si Jeon ay miyembro ng isang grupo ng mga kriminal sa South Korea at ang kanilang modus ay manloko ng mga taong mahilig mangutang.
Sa pakikipagtulungan ng Bureau of Immigration, Department of Foreign Affairs (DFA) at Embassy of Republic of Korea sa CIDG ay matagumpay na nadakma si Jeon.
Naaresto naman ang mag-asawang Yang sa KM. 4, La Trinidad, Benguet dahil sa kasong 3 counts of fraud.
Nakatakdang ibalik sa South Korea ang tatlong suspek upang doon pagbayaran at harapin kani-kanilang kaso. (Fer Taboy)