MARAMI ang nagsasabi na sa kamatayan ng tao, unti-unti nang nawawala ang kanilang alaala sa paglipas ng panahon. Ngunit kapag ang isang tao ay may nagawang kadakilaan, kabutihan sa bayan at sa mamamayan at ang talino nila’y nag-ambag ng karangalan sa sining, tradisyon at kultura ng ating bayan, ang kanilang mga alaala, pangalan at mga nagawa ay hindi nalilimutan. Nananatiling buhay sa puso at isip ng mamamayan.
Mababanggit na halimbawa ang dalawang National Artist na sina Carlos “Botong” Francisco at Maestro Lucio D. San Pedro na mula sa Angono, Rizal, ang Art Captal ng Pilipinas. Kapag sumapit ang anibersaryo ng kanilang kaarawan at kamatayan, kahit matagal na silang nagbalik sa kanilang Manlilikha ay hindi nalilimutang gunitain ng kanilang mga kababayan.
Sa pangunguna ng pamahalaang bayan at ng Tanggapan ng Turismo at Sining ng Angono, nitong Marso 31, 2017 ay nagkaroon ng paggunita sa kamatayan ng dalawang National Artist. Pareho ng buwan at petsa ang kamatayan nina Carlos “Botong” Francisco at Maestro Lucio D. San Pedro, magkaiba lamang ng taon. Nagbalik sa kanyang Manlilikha si Francisco noong Lunes Santo ng Marso 31, 1969, habang si Maestro San Pedro naman ay namayapa noong Pasko ng Pagkabuhay ng Marso 31, 2002.
Ang paggunita sa kamatayan ng dalawang National Artist ay tinampukan ng isang misa sa Parokya ni San Clemente sa Angono. Sinundan ito ng pag-aalay ng mga bulaklak sa libingan nina Francisco at Maestro San Pedro sa Mountain of Eternal Peace sa Barangay San Isidro, Angono.
Pinanguhan ang pag-aalay ng mga bulaklak ng mga taga-Tanggapan ng Turismo at Sining, at ng mga guro at mag-aaral sa Joaquin Guido Elementary School.
Matapos ang pag-aalay ng mga bulaklak, ay ang pagdarasal at pagbabasbas o bendisyon sa libingan ng dalawang National Artist. Pinangunahan ito ni Brother Neil Mendiola, ng Disciple of Christ of the Divine Healer.
Naging mga panauhing tagapagsalita sina Angono Sangguniang Bayan Member Jerimae Caldron at Totong Francisco, ang pintor na apo ng National Artist.
Sa bahagi ng mensahe ni SB Member Jerimae Calderon, sinabi niya na dahil sa nagawa ng dalawang National Artist, hindi lamang ang Angono ang nakilala sa sining kundi ang buong lalawigan ng Rizal at ang Pilipinas. Pinasalamatan naman ni Totong Francisco ang pamahalaang bayan at ang Tanggapan ng Turismo at Sining na hindi nalilimutang maghanda ng programa tuwing anibersaryo ng kamatayan ng dalawang National Artist.
Tampok na bahagi rin ng paggunita sa anibersaryo ng kamatayan nina Francisco at Maestro San Pedro ang pagpaparinig ng mga awit at tugtuging kinatha ng Maestro na tinugtog ng Joaquin Guido Elementary School Rondalla at ng Angono Youth Band.
Bilang henyo ng musika, si Maestro San Pedro ay nakapag-ambag nang... malaki sa ikayayabong ng ating pambansang kultura sa pamamagitan ng mga komposisyong nagtampok sa kanya bilang Makabayang Manlilikha ng Musika.
Hindi malilimot ang kanyang “Lahing Kayumanggi”, isang symphonic poem, at ang “Sa Ugoy ng Duyan”, na nagpapahalaga sa lahat ng ina sa daigdig.
Si Francisco naman ang nag-iisang pintor na bumuhay sa nalimot na sining ng mural at nagtaguyod nito sa loob ng 30 taon. Sa kanyang mga likhang-sining, ang mga kuwadro ng makasaysayang lumipas ay isinalin niya bilang malilinaw na tala ng maalamat na katapangan ng mga ninuno ng ating lahi.
Sina Maestro Lucio San Pedro at Botong Francisco ay mga tunay na dangal at yaman, hindi lamang ng Angono at ng Rizal, kundi ng buong Pilipinas na kapwa nila minahal at itinampok sa kanilang mga komposisyon at likhang-sining.
(Clemen Bautista)