SA gitna ng pagbabatuhan ng “impeachment” ng kampo nina Pangulong Rodrigo Duterte at Vice President Leni Robredo, nanawagan ang una na itigil na ang pagpapatalsik sa huli.

Pinaalalahan ni Digong ang kanyang mga tagasuporta na nagkaroon ng halalan at inihalal ng mga tao si Robredo. Dapat umanong galangin ang natanggap nilang boto sa nagdaang eleksiyon.

Niyaya pa ng Pangulo ang pamilya Robredo sa isang hapunan, upang ipakita sa mga nagmamasid at tagasunod ng bawat lider na seryoso siyang kausap.

Subalit, hindi yata matitibag si Speaker Pantaleon Alvarez sa pakay na ituloy ang impeachment sa Mababang Kapulungan.

Night Owl

Isang pribilehiyong maging bahagi ng 125 taong kasaysayan ng Manila Bulletin

Kamakailan lamang, nagpasabog si Alvarez na hindi niya kinikilalang tunay na VP si Robredo. Ibig sabihin, para sa kanya, hindi lehitimong nagwagi sa nakaraang eleksiyon si Robredo. Sa bagay, hindi pa rin ganap na nabubura ang pagdududa ng marami sa biglang paglaki ng lamang ng boto ni Robredo kontra kay Senador Bongbong Marcos. Bunga ng matalas na pag-aanalisa, matatandaan na ang pangalan ni Bongbong bilang VP candidate ay ikinabit sa iba’t ibang kandidato; Miriam at Bongbong; Binay at Bongbong; Duterte at Bongbong; at Poe at Bongbong. Idagdag pa ang dagundong ng mga miyembro ng Iglesia ni Cristo (INC), may “Solid North” din, Leyte at Samar dahil sa pamilyang Romualdez. Sa Mindanao, Kristiyano at Muslim ang tumaguyod kay Bongbong, pati mga lider ng “liberation fronts.” Ang tanong: saan nakatikim si Robredo ng boto upang manalo? Mga lalawigan sa Bicol na kadalasan nagkakaisa sa kapwa Bicolano, nagkawatak-watak. Apat ang Bicolanong tumakbo bilang VP – Honasan, Trillanes, Escudero, at Robredo.

And’yan pa ang sitsit na dahil hindi namane-obra ng mga “dilaw” na manalo si Roxas dahil sa bumahang boto para kay Digong, kinambyo sa pangalawang puwesto kasi halos isang milyon lang ang lamang ni Bongbong kay Leni.

Balik-tanaw nga ng matatanda, kung umangat din si DU30 ng isa o dalawang milyon, sigurado, bukas paggising ng bayan, salawal at panty natin “dilaw” ulit! Kaya huwag magtaka kung tuloy ang mga pagkilos ng kampo ni ex-PNoy na mapatalsik si Digong. Nagmamadali sila dahil takot matalo si Leni sa protesta ni Bongbong, sabay masampahan ng karagdagang kaso ang pinalitang administrasyon. Habang VP si Leni, hindi huhupa ang pagpopondo sa kalikutan ng kanilang mga isip.

(Erik Espina)