BINIRA ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga kritiko na kinabibilangan ni Vice President Leni Robredo na umano’y kating-kati na at nag-aapura na siya ay palitan bilang lider ng bansa.

Itinanggi ito ni “beautiful lady” sa pagsasabing taliwas sa iniisip ng Pangulo at ng kanyang mga kaalyado, wala sa kanyang plano na maging pangulo sapagkat ang pinagtutuunan niya ng atensiyon na maiangat ang kalagayan sa buhay ng mga “nasa laylayan” ng lipunan at maipagkaloob ang hustisya sa mga biktima ng extrajudicial killings kaugnay ng giyera sa illegal drugs ni Mano Digong.

Pinaratangan ng machong Presidente ang mayuming VP ng ganito: “Ang mga kalaban ko, si Leni apurado masyadong maging president,” Inihayag ito ni PDu30 sa harap ng Filipino community sa Horizon Lake View Hotel sa Yangon, Myanmar.

Parang taliwas ito sa unang pahayag ni Pangulong Duterte pagkatapos ng PMA graduation rites sa Baguio City na hindi kasama si VP Leni sa destabilization efforts para siya bumaba sa puwesto. ‘Di ba madalas din niyang sabihin na sakaling bumagsak ang kanyang eroplano, hindi dapat mag-alala ang sambayanang Pilipino sapagkat naririyan naman si Robredo para pumalit sa kanya?

Medyo nagbago ang timpla ni PRRD bunsod ng paghahain ng impeachment complaint ni Magdalo Party-list Rep. Gary Alejano laban sa kanya. Naniniwala ang mga alipores, este kaalyado ni Pres. Rody, na isa sa nasa likod ng reklamong ito si VP Robredo. Bukod dito, nataon pang nagpadala ng video message si VP Leni sa annual meeting ng UN Commission on Narcotic Drugs na kumokondena sa human rights abuses kaugnay ng drug war ng Duterte admin.

Dahil sa mensahe sa UN, nagsiklab si Speaker Pantaleon Alvarez at nagbantang maghahain din ng impeachment complaint laban kay VP Leni. Bukod kay Robredo, binira rin ni Duterte si Sen. Antonio Trilanes IV at minaliit ang kakayahan nito na panghinain ang kanyang administrasyon.

Sa huling ulat, pinayuhan ni PDu30 ang mga kaalyadong kongresista na huwag nang ituloy ang pagpapa-impeach kay VP Leni. Tanong: Sundin kaya siya ni Alvarez?

Para kay PRRD, si Trillanes ay isa lamang “barking dog” at isang “idiot” na nang magtangkang ikudeta si ex-Pres. Gloria Arroyo at okupahan ang Oakwood Hotel sa Makati City, ay walang nagawa kundi ang magnakaw lang ng bed sheets at utensils sa hotel.

Sa panig ni Robredo, itinanggi ng kanyang spokesperson na si Georgina Hernandez kating-kati ang VP na palitan si Mano Digong sapagkat alam niyang halal ito ng bayan para maglingkod ng anim na taon. Noon ngang 2016 elections, ayaw niyang kumandidato pero pinilit lang siya nina ex-PNoy at Mar Roxas. Noon ay nais pa niyang pagsilbihan ang Camarines Sur bilang Kinatawan.

Sinabi ni Hernandez na handa si VP Leni na harapin ang reklamong impeachment na ikinakasa ni Alvarez sa House of Alvarez, este House of Representatives. Alam niyang malaki ang bilang ng Super Majority Coalition sa Kamara at batid din niyang ang impeachment ay isang “number game” lang o paramihan ng alyado sa Mababang Kapulungan. Naniniwala si Robredo na ano mang reklamo ang ihain laban sa kanya, ito ay baseless o walang batayan. (Bert de Guzman)