INALERTO ng Department of Tourism-Bicol ang publiko sa naglipanang pekeng travel agency na nag-aalok ng mga mapang-akit na travel package sa murang halaga sa parehong domestic at international sites na hindi naman totoo, partikular ngayong panahon ng tag-init.

“If the travel packages are too good to be true, these are not true and are illegal,” saad ni Bobby Gigantone, administrative officer ng Department of Tourism-Bicol.

Ipinaliwanag niya na walang kapangyarihan ang kagawaran para hulihin ang mga ilegal na online travel operator.

“(But) we will be making advisories and declare the travel agencies that are accredited with the Department of Tourism,” sinabi ni Gigantone sa isang panayam nitong Miyerkules ng gabi.

Aniya, kabilang sa advisory ang impormasyon kung mayroong mayor’s permit ang tour operator, na isa sa mga paraan para matiyak na protektado at ligtas ang mga biyahero.

Inihayag ni Gigantone na mahigit isang taong pinlano ng mga manlalakbay ang pagbisita nila sa Bicol ngunit sa huli ay malalaman nilang iba ang mga lugar na bibisitahin nila kaysa unang inialok sa kanila.

“That’s what we’re afraid of especially if they are operating here in Bicol,” aniya.

Sinabi ni Gigantone na sinisira ng mga pekeng tour operator ang imahe ng Bicol, at idinagdag na hindi kinukunsinti ng Department of Tourism-Bicol ang mga online travel agency.

Ibinahagi rin ni Gigantone na ang tourism department, na kasalukuyang “upgrading and reconstructing its website”, ay mayroong Facebook fan page na rito makikita ng publiko ang listahan ng mga accredited tour operator, mga travel agency, at mga tour guide na makatutulong sa kanila.

Mayroon ding hotline number ang departamento na 742-5004 para sa mga turista na hindi kayang magbayad ng tour package, tulad ng mga backpacker at sa mga taong magsosolo o nasa budget trip, o iyong tinatawag na “tipid” trips.

“We can assist them so they can experience what’s truly ‘Gayon Bicol’ (Beautiful Bicol),”dagdag niya.

Ayon kay Gigantone, Camarines Sur ang pangunahing destinasyon ng mga lokal at dayuhang turista dahil ito ang pinakamalaking probinsiya sa Bicol at sa dami na rin ng aktibidad na tampok sa lalawigan.

Aniya, tampok sa Camarines Sur ang island hopping, kabilang na ang sikat na Caramoan Island. (PNA)