SA pagpapatupad ng dagdag-bawas sa presyo ng mga produkto ng petrolyo, gusto kong maniwala na tayo ay mistulang pinaglalaruan lamang ng mga kumpanya ng langis. Totoo na halos sunud-sunod ang pagbabawas sa presyo ng nautrang mga oil products subalit kakarampot lamang ito kung ihahambing sa itinatakda nilang oil price hike. Hindi ba ito ay naglalarawan ng makasariling sistema ng pagnenegosyo ng ilang mamumuhunan na malimit taguriang mga buwitre o vultures sa lipunan?

Gusto ko ring maniwala na may mga negosyante – hindi lamang yaong mga may-ari ng oil companies kundi ng iba pang industriya – na patas sa paghahanap-buhay. Dinadama nila ang kahirapan ng buhay ng sambayanan, lalo na ng mga motoristang maralita na umaasa lamang sa pagtatakda ng makataong oil price hike.

Hindi ko masisisi ang ilang dambuhalang kumpanya ng langis sa pagtatakda nila ng dagdag-presyo sa kanilang mga produkto kahit na ang ganitong sistema ay nakapagpapabigat sa taumbayan. Pinanghahawakan nila ang oil deregulation law (ODL) na nagbibigay sa kanila ng karapatang magpatupad ng oil price na inaakala nilang makapagbibigay ng malaking pakinabang. Ang naturang batas na malimit ituring na biyaya sa umano’y masakim na pagnenegosyo ang halos isumpa ng marami nating kababayan.

Isipin na lamang na pati ang kamay ng gobyerno ay mistulang nakatali sa pag-iral ng ODL, ang mga negosyante ang naghahari sa implementasyon nito. Naisin man ng pamahalaan na saklolohan ang sambayanan, wala itong magawa sapagkat ito ang batas.

Night Owl

Isang pribilehiyong maging bahagi ng 125 taong kasaysayan ng Manila Bulletin

Natitiyak ko na ito ang dahilan kung bakit hindi tumitigil ang higit na nakararaming mamamayan sa pagsigaw na ang ODL ay hindi lamang dapat susugal kundi ito ay dapat nang pawalang-bisa. Masyadong malaking pahirap ang ibinubunga nito sa lipunan – pabigat na natitiyak kong hindi magugustuhan ng administrasyon. Dapat magpatibay ng batas na hindi maaaring kasangkapanin ng ilang gahamang negosyante na iisa ang katwiran kapag nagpapatupad ng oil price hike:

Tumataas ang presyo ng langis sa pandaigdigang pamilihan o world market.

Kasabay ng maigting na kahilingang muling sulyapan ang implementasyon ng ODL, naniniwala ako na panahon na rin upang lalong pasiglahin ang oil exploration activity ng pamahalaan sa pagbabaka-sakaling makahukay tayo ng langis. May mga ulat na ang Palawan at... ang karagatan nito ay may mga palatandaan ng oil wells na kahawig ng natatagpuan sa ilang bansa sa Middle East. Maging sa lalawigan ng Isabela ay may bumabalong ding langis; gayundin sa ilan pang seashore sa Mindanao.

Ang kasiya-siyang resulta ng gayong mga pagsisikap – pagbusisi sa ODL at pagtuklas ng balong ng langis – ay makapagpapahina sa epekto ng makasariling pagnenegosyo na nagpapabigat sa sambayanan. (Celo Lagmay)