BANGKOK, Thailand – Tiniyak ng Department of Foreign Affairs (DFA) kahapon na mahigpit na binabantayan ng Pilipinas ang West Philippine Sea, sa kabila ng kawalan ng Code of Conduct (COC) sa mga pinagtatalunang bahagi ng karagatan.

Kasunod ito ng mga ulat na naghahanda ang China na magtayo ng mga monitoring station sa Scarborough o Panatag Shoal.

Habang hinihintay ang paglilinaw mula sa China kaugnay ng nasabing ulat, tiniyak ni Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo, sa press briefing sa Mandarin Oriental Hotel sa Bangkok, Thailand kahapon ng umaga, na kumikilos ang Pilipinas at hindi basta lamang nakamasid.

Gayunman, hindi itinanggi o kinumpirma ni Manalo ang pahayag ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II sa Reuters na maghahain ang Pilipinas ng protesta laban sa pinaplanong konstruksiyon ng China sa Panatag Shoal.

National

Sen. Bato, isiniwalat na nakiusap siyang dagdagan budget ng OVP: ‘Ayaw tayong pagbigyan!’

“Well, I just read that [Reuters report] but let me say we already issued or requested China for clarification on this reported plan. But let me also say that in the meantime, the Philippine government is maintaining a regular close watch over Scarborough Shoal,” aniya.

Sinabi ni Manalo na ang pagkukumpleto ng framework para sa Code of Conduct ay maaaring magbigay-daan kalaunan sa mapayapang pag-aayos ng anumang gusot ng mga umaangkin sa South China Sea, kabilang na ang Pilipinas, China, Vietnam, Malaysia, Taiwan, at Indonesia.

“I think we have made a significant breakthrough in the sense now that there is an understanding among ASEAN and China on the importance of coming up with a framework, for a Code of Conduct,” aniya.

Tiniyak naman ni Senador Alan Peter Cayetano na kumikilos ang administrasyon para depensahan ang teritoryo ng bansa. Gayunman, sinabi niya na walang bansa na magbubunyag ng mga pinaplano nito.

“The President is doing a lot of things quietly,” ani Cayetano, na ang tinutukoy ay ang mga estratehiya ng administrasyon sa pagsasaayos ng mga gusot sa South China Sea.

Nagkasundo sina Pangulong Duterte at Thai Prime Minister Prayuth Chan-o-cha na isulong ang pagkukumpleto sa framework ng COC sa South China Sea.

Sa joint press statement sa Inner Santi Maitri Hall sa Bangkok, kapwa binigyang-diin ng dalawang lider ang pangangailangan na mapanatili ang kapayapaan at katatagan sa ASEAN region, kabilang na sa South China Sea.

(Argyll Cyrus B. Geducos)