LAYUNIN ng Philippine Coconut Authority na makapagtanim ang tanggapan nito sa Western Visayas ng mahigit 350,000 coconut seedling sa 3,500 ektarya ng rehiyon sa ilalim ng participatory coconut-planting project.

Inihayag ni Philippines Coconut Authority-Western Visayas officer-in-charge, regional director Francis Fegarido na mataas ang demand ng niyog dito sa Pilipinas at sa ibang bansa, kaya umaasa sila na mapasisigla ng rehiyon ang produksiyon nito.

Sinabi ni Fegarido na libreng ipamamahagi ang seedlings sa mga lugar na may potensiyal sa rehiyon, kabilang ang Negros Occidental.

Ibinahagi niya na noong nakaraang taon, nakapagprodyus ang bawat puno ng niyog ng karaniwang 44 hanggang 47 niyog, na nagresulta sa kabuuang produksiyon na nasa 450 milyong niyog.

Para pantayan ang pamamahagi ng seedling, mamamahagi rin ang Philippine Coconut Authority ng 10,320 bag ng asin sa ilalim ng salt fertilization project, na sasapat para sa 258,000-ektaryang plantasyon ng niyog, ayon kay Fegarido.

Sa kasalukuyan, mayroon ang rehiyon na 167,000 ektaryang plantasyon ng niyog, kabilang ang fruit-bearing, non-bearing, at senile coconut trees.

Sa pagtaas ng produksiyon nito, ibinahagi ni Fegarido na plano rin ng Philippine Coconut Authority na tulungan ang mga micro, small and medium entrepreneur na nasa oil and fiber production, sa pamamagitan ng pagtatatag ng mas maraming “coco hubs”.

Inilahad ni Fegarido na P27 milyon ang inilaan para sa pagpapabuti ng mga kagamitan at pagpapalawak ng mga operasyon ng micro, small and medium entrepreneurs sa rehiyon, sa tulong ng Kaanib Coco Agro-Industrial Hub. Makatutulong ang inisyatibong ito upang matugunan ang kakulangan sa imprastruktura, kakapusan ng kapital, kakulangan ng entrepreneurial environment, at kawalan ng tamang polisiya tungkol dito.

Samantala, sinabi ni Fegarido na muling tinaniman ng mga puno, na inaasahang mamumunga sa loob ng tatlo hanggang limang taon, ang mga plantasiyon ng niyog na napinsala ng super typhoon ‘Yolanda’ sa Western VIsayas.

Sinira ng bagyong Yolanda ang halos dalawang milyong puno ng niyog noong 2013. (PNA)