KAPANALIG, napaka-challenging o mapanghamon ng panahon ngayon para sa mga mamamahayag sa Pilipinas.
Unang-una, napakahirap ngayon ipalaganap ang katotohanan sa harap ng mga nagkalat na pekeng balita sa social media.
Tila nawala na ang mapanuring mata ng marami nating kababayan.
Karamihan sa mga pinapasa sa social media ay base na lamang sa alab ng damdamin, hindi na base sa katotohanan. Kaya kahit pa “absurd” na o hindi kapani-paniwala, marami sa atin ay click lang nang click at nagkakalat ng maling balita.
Nahihirapan tuloy ang mga “credible” o katiwa-tiwalang news at media agencies. Mas mabilis maniwala ang mga tao sa fake news.
Pangalawa, unti-unti ring tinitibag ng mga pekeng balita at mga walang basehang paratang ang lakas ng media. Marami na ang nagsasabi na bayaran ang mga media sites ng ating bayan. Kaya nga kahit ano pang pagsusulong sa katotohanan ng mga dedikadong mamamayahag, bingi na ang maraming Pilipino sa tunay na balita.
Ayon naman sa International Federation of Journalists (IFJ), isa na ang ating bayan sa mga pinaka-deadly na bansa para sa mga mamamahayag. Base sa pag-aaral nito noong nakaraang taon, 146 na manunulat ang pinatay sa bansa mula 1990 hanggang 2015.
Ngayong panahon ng social media, nakakalimutan na natin ang kahalagahan ng media sa isang demokrasya. Nakalimutan na ng marami na ang media ay watchdog ng lipunan, at anumang pagkilos upang ito ay palakasin ay pagpapalakas din ng lipunan at ng demokrasya. Marami ang nakakalimot na ang media ay tagapagbantay ng public interest, at anumang pagsulong nito ay pagsulong din ng ordinaryong mamamayan.
Nakalulungkot na ang ating panahon at mga pagkilos ngayon ay nagpapahina ng mga institusyon ng ating demokratikong bayan. Sa halip na maging mas matibay at produktibo ang mga institusyon ng bansa gaya ng media, ito ay nagiging collateral damage sa pagnanais ng marami na pumaimbabaw ang sariling interes at kapakanan.
Ang pamamahayag ay isang karapatan na may kaakibat na responsibilidad, hindi lamang para sa mga practitioner nito, kundi para sa ating lahat. Responsibilidad natin na iangat ang kalidad ng pamamahayag sa bansa. Ito ay isang biyaya na dapat nating pagyamanin. Hindi ito dapat maging kasangkapan sa pamamahagi ng mali at mapanirang balita.
Ang Pacem in Terris ay nagpapaalala sa atin ukol sa karapatan at responsibilidad. Ayon dito, kung nais nating maging maayos ang ating lipunan, kailangan nating kilalanin at isulong ang ating karapatan kasama na ang ating mga responsibilidad. Ang encyclical na ito, kasama ang Deus Caritas Est, ay inuudyukan tayo na isaayos ang ating lipunan.
Respetuhin at kilalanin natin ang ating bahagi sa lipunan, kasama ang mga kaakibat na responsibilidad at obligasyon.
Ang katotohan ay responsibilidad nating lahat. Dapat natin itong isulong. Dapat din nating patatagin ang mga institusyon na nagtataguyod ng katotohanan sa ating lipunan. (Fr. Anton Pascual)