Komento ni Vice President Sara Duterte na tila raw kulang ang naging tugon ng Ateneo de Manila University para sa mga naiwang pamilya ng nalunod dalawang miyembro ng Ateneo Blue Eagles men’s basketball team na sina Rene Clert Baterbonia at Divine Adili.
Matatandaang magsasagawa na ng “fact-finding” ang Ateneo Board of Trustees para lubos na imbestigahan ang insidente ng pagkasawi nina Baterbonia at Adili base sa inilabas na pahayag ni ADMU President (Sgd) Fr. Roberto C. Yap SJ noong Biyernes, Hunyo 11, 2026.
KAUGNAY NA BALITA: ADMU Pres. Fr. Roberto Yap nagsalita; 'fact-finding' sa pagpanaw ng 2 atleta, isasagawa!
Sa naging pahayag naman ni VP Sara sa panayam sa kaniya ng media sa Davao City nitong Biyernes, Hunyo 12, sinabi niyang nakakalungkot daw ang mapait na sinapit nina Baterbonia at Adili.
“Nakakalungkot na ganoon ‘yong nangyari sa isang estudyante at sa isang promising na athlete natin sa bansa,” pagsisimula niya.
Ani VP Sara, pakiramdam daw niyang tila may kulang sa tugon ni ADMU para sa mga pamilya nina Baterbonia at Adili, partikular daw sa agarang pagsasabi sa mga pamilya ng biktima sa sinapit nilang kalagayan.
“Pakiramdam ko, kulang na kulang ‘yong response ng Ateneo hindi lang kay Rene, doon din sa isang foreigner na player din ng Ateneo na namatay,” aniya.
Dagdag pa niya, “Dapat kasi, sa ganiyang mga panahon, ay nauuna ‘yong pag-reach out nila sa pamilya at pagpapaintindi nila sa pamilya kung ano ‘yong nangyari at ano ‘yong mga kailangan nilang gawin [to] the family and the school.”
Diin ni VP Sara, tila raw malaki ang pagkukulang ng naturang pamantasan sa pagbibigay ng suporta sa mga naiwang pamilya ng nasawing athletes.
“Pakiramdam ko ay malaki ang pagkukulang ng paaralan sa pagbibigay suporta sa pamilya,” pagtatapos pa niya.
Habang sinusulat ito, nakabalik na sa Davao City ang mga labi ni Baterbonia habang nanatili pa rin sa Arlington Memorial Chapels and Crematory sa Quezon City ang mga labi ni Adili.
KAUGNAY NA BALITA: Coach Tab Baldwin, TM Epok Quimpo sasailalim sa 'leave' sa durasyon ng fact-finding ng Ateneo!