KABI-KABILA ang nakawang nagaganap sa mga bahay sa ilang barangay sa Novaliches, Quezon City at ang masama pa rito, paulit-ulit ang pagtira ng mga loko sa mga dati na rin nilang nabibiktima na kalimitan ay mga may-ari ng maliliit na tindahan sa mga looban at eskinita.

Ang mga napagnanakawan ay ‘di na lang kumikibo at pati na nga ang pagre-report at pagpapa-blotter ay isinasantabi na lamang nila sa paniniwalang “wala rin namang mangyayari kahit na ipa-blotter ito sa istasyon ng pulis” dahil busy raw ang mga pulis sa paghahanap ng mga adik at pusher na umano’y “priority” na trabahuhin sa mga istasyon ngayon.

Ang isa pang problema, ang mga barangay tanod na dapat sana’y katuwang ng mga pulis sa pagsugpo sa ganitong klaseng krimen ay wala ding magawa para matigil ito, at ang sabi pa nga ng ilan sa mga naging biktima ay “natutulog daw sa pansitan ang mga tanod nila.”

Karamihan sa kanila ay idinaan na lamang sa pagte-text sa akin ang kanilang mga reklamo. Sumbong pa nga sa IMBESTIGADaVe ng isang may-ari ng tindahan sa lugar na kung tawagin ay “Seminaryo”, sa Barangay Bagbag, Novaliches, halos nalimas daw ang mga de latang paninda nila, na binira ng mga kawatan bandang madaling araw. Tatlong beses na raw silang napagnanakawan at ang duda nila ay isang grupo lang ang may pakana nito na mahilig umanong “mag-grocery” sa mga sari-sari store sa kanilang lugar.

Night Owl

Isang pribilehiyong maging bahagi ng 125 taong kasaysayan ng Manila Bulletin

Pakiusap ng mga biktima sa ating mga pulis mula sa Quezon City Police Department (QCPD) na masisipag mag-OPLAN TOKHANG, bigyan sila ng “kahit konting pagtingin” upang malutas ang problemang ito, na pakiwari raw nila’y nakakaligtaan ng mga pulis sa QCPD-Station 4 dahil sa kagustuhang maka-score nang todo laban sa mga adik at pusher na naglipana raw sa Novaliches.

Reklamo pa nga ng isang napagnakawan, sa dami raw ng naitutumbang adik at pusher sa lugar nila, bakit ang grupong ito -- na nasisiguro raw nila na mga adik din na kaya nagnanakaw ay para may ipangbili ng shabu – ay nananatili pa ring nakatayo at nakapamemerhuwisyo sa mga maliliit na negosyanteng tulad nila sa kanilang barangay.

Nagdududa na raw sila na baka “alaga” ng ilang tiwaling pulis at mga barangay tanod ang mga kawatang ito, na kung tumira sa mga tindahang binibiktima sa kanilang lugar ay palaging sa madaling araw at may mga kasangkapang dala-dala na pandistrungka ng kandado.

Mag-text at tumawag sa Globe: 0936-9953459 o mag-email sa: [email protected]