SAN ANTONIO (AP) — Walang dapat ikabahala ang mga tagahanga ni Kawhi Leonard.

Matapos ipahinga ng isang laro batay sa ‘concussion protocol’, balik-aksiyon ang All-Star forward at kumubra ng 31 puntos para sandigan ang San Antonio Spurs sa 107-99 panalo kontra Atlanta Hawks nitong Lunes (Martes sa Manila).

Kumubra ang Spurs ng season-high 16 three-pointer para sa ika-19 sunod na home victory laban sa Hawks at pantayan ang Golden State Warriors sa 52-14 karta para sa liderato ng Western Conference.

Nanguna sa Atlanta si guard Dennis Schroder sa naiskor na 22 puntos at 10 assist, habang kumana si Tim Hardaway Jr. ng 17 puntos para sa Hawks na natuldukan ang three-game winning streak.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Nag-ambag si Patty Mills ng 15 puntos sa San Antonio at humakot si Danny Green ng 14 puntos.

TIMBERWOLVES 119, WIZARDS 104

Sa Minneapolis, hataw si Karl-Anthony Towns sa naiskor na 39 puntos at 13 rebound, habang tumipa si Ricky Rubio ng 22 puntos sa panalo ng Wolves kontra Washington Wizards.

Nabura ng Wizards ang franchise record sa 19 assist.

Nag-ambag si Nemanja Bjelica ng 16 puntos at 10 board sa Timberwolves, naghahabol ng 3½ laro sa Denver para sa No.8 seeding sa Western Conference. Bumanat sa Wizards si John Wall na may 27 puntos, habang kumana si Bradley Beal ng 20 puntos.

GRIZZLIES 113, BUCKS 93

Sa Memphis, Tennessee, ratsada si Vince Carter sa season-high 24 puntos, tampok ang dalawang three-pointer sa huling walong puntos sa final period para malusutan ng Grizzlies ang Milwaukee Bucks.

Natuldukan ng Memphis ang five-game skid at pinutol ang six-game winning streak ng Bucks.

Nagsalansan si Mike Conley ng 20 puntos at 10 assist para sa Memphis, habang kumubra sina Tony Allen at Zach Randolph ng 15 at 14 puntos, ayon sa pagkakasunod.

Nanguna si Giannis Antetokounmpo sa Bucks sa naiskor na 18 puntos.

BULLS 115, HORNETS 109

Sa Charlotte, North Carolina, kumawala sa depensa ang streak shooter na si Nikola Mirotic para matipa ang 24 puntos, habang kumubra ng season-high 20 puntos si Rajon Rondo sa panalo ng Chicago kontra Charlotte.

Umiskor sina Dwyane Wade at Jimmy Butler ng tig-23 puntos para sa Bulls (32-35), naghahabol para sa huling playoff spot sa Eastern Conference.

Nanguna si Jeremy Lamb sa Hornets sa niskor na 26 puntos, habang humakot sina Michael Kidd-Gilchrist at Kemba Walker ng 22 at 21 puntos, ayon sa pagkakasunod.

Sa iba pang laro, ginapi ng Toronto Raptors ang Dallas Mavericks, 100-78.