Jean copy

ITINUTURING na number one kontrabida si Jean Garcia sa Kapuso Network. Kaya naman privilege sa isang artista na makasama at makaeksena siya sa isang project. Kung mataray ang character niya, malamang sa hindi, makakatikim ng sampal ang kaeksena niya. Pero kapag mabait naman ang role niya, kung drama, tiyak na iiyak ka sa mahusay niyang pag-arte.

Ang latest na nakatikim ng sampal ni Jean ay ang bida ng Pinulot Ka Lang Sa Lupa na si Julie Anne San Jose. Inabutan namin sa set ang eksena na hindi namin ikukuwento kung bakit may sampalan scene sila.

Nasasaktan din ba si Jean kapag nananampal siya? “Opo naman, nasasaktan din ako bukod pa sa nag-aalaala ako dahil talagang masasaktan ang sinasampal ko. Mabigat kasi ang kamay ko,” sagot ng aktres. “Pinag-uusapan din naman muna namin bago gawin ang eksena.

‘Pagluluksa ng kaibigan’: Madre, nagdalamhati malapit sa kabaong ni Pope Francis

Pero dito, talagang sinabihan ko si Julie Anne na masasaktan siya, okey lang daw sa kanya. Naka-ready na raw ang cheek niya. Tinanong ko rin muna si Julie kung take one lang ang gusto niya. Yes daw, para minsanan lang ang sakit. Kaya hayan, ang pula-pula ng right cheek niya na tinamaan ng sampal ko.”

Kinumusta namin kay Jean ang acting ni Julie Anne na first time lang niyang nakasama. “Mahusay siya, marunong siyang umiyak, mararamdaman mo sa eksena.”

Kumusta naman si Julie at si Benjamin Alves, may nararamdaman ba siya sa dalawa? “Ay, ang maganda sa kanila, pina-prioritize nila ang work nila. Huwag silang gagaya sa akin na at a very young age, mas inuna ko ang love kaysa trabaho,” natatawang kuwento ni Jean. “Pero nakikita ko nga sa kanila na naka-focus sila sa work nila. Bagay silang dalawa, what you see is what you get. Para sa akin, mas maganda kung sila na nga.”

Hanggang ngayon ay pinupuri pa si Jean sa role niya sa The Escort with Derek Ramsay at marami ang interesadong malaman may kasunod pa ba iyon.

“Yes, may isa pa akong gagawin sa Regal Films, inaayos pa lang ngayon. Hindi ko pa p’wedeng sabihin kung ano ang title at kung sino ang makatambal ko. Mas maganda naman iyon, na kung gumagawa ka ng isang drama series, p’wede ka ring makagawa naman ng movie.” Napapanood ang Pinulot Ka Lang Sa Lupa sa afternoon prime ng GMA 7. (NORA CALDERON)