TINATANGGAP ang pagpapatala ng paglahok sa KCF Young Talents Rapid Chess Championship hanggang Marso 24, ayon kay Kasparov Chess Foundation Asia Pacific (KCFAP) Director for Philippines Red Dumuk.
Nakatakda ang torneo sa Marso 26 sa Alphaland City Center, Makati City.
Bukas ang torneo para sa mga kabataang lalaki at babae para sa age category na Under 8 years old, U10, U12, U14 at U18. Inaaanyayahan ang lahat ng mga magulang, club team, at mga eskwelahan na gabayan ang mga batang chess wiz sa kanilang pagpapalista kay assistant tournament director Alex Dinoy (email address: [email protected]; at mobile no. 09183705750. May entry fee sa mababang halaga na P100.
Sa kasalukuyan, may 300 na lamang na slots ang bakante para sa target na 1,000 kalahok. Hindi na tatanggap ng lahok sakaling maabot na ang limitadong bilang.
Samantala, patuloy pa rin ang pagtanggap ng paglahok para sa Chess in Education (CIE) Training for Teachers na nakatakda sa Marso 27. Nagsimula na ang pre-registration sa programa na bahagi rin ng isinusulong na aktibidad ng KCFAP sa layuning palakasin ang chess development program sa bansa. Suportado ang programa ng National Chess Federation of the Philippines at Philippine Sports Commission (PSC).
Sa mga interesadong makiisa sa programa, mag-online registration sa [email protected]; o makipag-ugnayan sa mobile no. Sun-09258092353, Smart-09292396555 at Globe-09270534040) hanggang Marso 23.
May nakalaang P1,000 registration fee para sa programa na limitado lamang para sa 200 kalahok.
Magkakatuwang ang Department of Education, NCFP at Alphaland Corporation sa programa ng KCFAP bilang bahagi sa pagdiriwang ng ika-15 taong anibersaryo ng Kasparov Chess Foundation.
Ang Pilipinas ang isa sa tatlong bansa kabilang ang Myanmar at Indonesia, bukod sa Guam na personal na bibisitahin nina Kasparov Chess Foundation President Michael Khodarkovsky, KCFAP Director Ignatius Leong at KCFAP Projects Manager.