SISIKAPIN ng San Beda na mabawi ang titulong nakawala sa kanila sa nakalipas na dalawang taon sa muling pagsalang sa National Finals ng 10th SM National Basketball Training Center (NBTC) League sa MOA Arena sa Marso 13-16.

Sa pagkakataong ito magiging mabigat ang kanilang susuunging laban upang mabawi ang korona dahil sa presensiya ng apat na dayuhang koponan mula sa America, New Zealand, Australia at Canada.

“For the past two years second placer kami so we will try our best to regain the title. But I must admit it’s going to be tough, “ pahayag ni coach JB Sison ng Red Cubs.

Tiniyak ni NBTC program director coach Eric Altamirano na competitive ang apat na foreign squads na kanilang inimbita partikular aniya ang Filam Sports USA na may point guard na 6-foot-5.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Ang iba pang foreign squads na may mga manlalarong may dugong Pinoy ay ang Camp David New Zealand, Crossover Sports ng Canada at AusPinoy One Solutions ng Australia.

Bukod sa mga nabanggit na koponan, makakatunggali rin nila sa National Finals ang 8th edition champion Sacred Heart School-Ateneo de Manila at UAAP at NCAA champion teams Far Eastern University at Mapua.

Bukod sa Division 1 finals, maglalaban-laban din ang lahat ng koponang umusad sa Division 2 na kinabibilangan ng labing-16 na regional champions. (Marivic Awitan)