AFTER gumanap bilang beki sa Destiny Rose, umisip ng paraan si Ken Chankung paano mabubura ang beki tag sa kanya.

Mahirap daw tanggalin agad dahil ilang buwan din niyang ginampanan ang naturang role.

Una siyang natuwa nang mapansin niyang may tumubong bigote at balbas sa mukha niya after three days to one week.

Hindi raw niya iyon napansin habang araw-araw siyang nag-aahit ng tumutubong balbas habang ginagampanan ang kanyang role. Kaya nagpasya siyang patubuin na iyon hanggang sa kung ano na ang nakikita sa kanya ng mga sumusubaybay ngMeant To Be.

Bretman Rock, ibinida ang Filipina Barbie Doll na likha ng Fil-Am artist

Nagkataon naman na ang role na ibinigay sa kanya ay si Yuan Lee, seryosong boss ng isang bar, kasama ang tatlo pang kaibigang sina Andoy (Jak Roberto), Ethan (Ivan Dorschner) at Jai (Addy Raj).

Masungit at hindi man lang siya ngumingiti sa serye, hindi ba siya nahihirapan sa role na ito?

“Noong una po nahirapan ako kasi masayahin akong tao, lagi akong nakatawa,” sagot ni Ken. “Pero pinag-aralan ko na rin kung paano hindi ako ngingiti. Ang natuwa lang ako, nawala na ‘yong tag o tawag sa akin ng fans ng Destiny Rose at ang tawag na nila sa akin, ‘Sir Yuan’, iyong tawag sa akin ni Billie (Barbie Forteza). At ngayon ngang ngumingiti na ako sa eksena, kapag nakikita nila ako, sasabihin naman, ‘Sir Yuan, isang sungit look naman d’yan’.”

Ipinapakita na rin sa istorya na may damdamin siya para kay Billie. Kumusta naman ngayong katrabaho si Barbie?

“On-cam, napakahusay niyang actress, off-cam, maalaga siyang katrabaho. Kahit pagod na, nakangiti pa rin, parang walang problema, hindi inaantok. Siguro ang sekreto niya kaya hindi siya inaantok sa set, mahilig siyang magkape. Lagi siyang may dalang kapeng Batangas na brewed na, masarap. Kaya kami nagaya na sa kanya, may kani-kaniya na kaming coffee mug.

“Na-aapreciate ko rin si Barbie sa mga eksena namin, lalo na noong ako pa iyong ma-pride na Yuan, seryoso, misteryoso, pero nahuhuli niya ako later on na itinatago ko lang iyong nagbago na ako. Actually, siya ang inspiration naming apat sa mga eksena.”

Maraming televiewers at fans nila ni Barbie na gustong silang dalawa ang magkatuluyan sa ending, paano kung hindi siya at isa sa tatlo niyang kasama mapunta si Billie?

“Siyempre po malulungkot ako, manghihinayang, dahil ipinaglaban ko si Billie. Pero I will be very happy kung sino ang makakatuluyan ni Billie sa aming apat. Wala rin naman kaming competition na apat dito sa rom-com series namin. Sa palagay ko po, after ng Meant To Be, may kani-kaniya kaming path na tatahakin, o baka muli kaming magsama-sama sa isa pang project na ibibigay sa amin.

“Pero nagpapasalamat po kami sa lahat ng fans na kahit saan kami pumunta na mga mall show, sinasamahan nila kami. 

Hindi po namin malilimutan iyong huli naming pinuntahan, sa Tagum City Musikahan Festival sa Davao, na estimated ng mga authorities, umabot sa 20,000 ang mga taong dumalo.”

Napapanood gabi-gabi ang Meant To Be pagkatapos ng Destined To Be Yours. (Nora Calderon)