NAGSINUNGALING si Edgar Matobato sa pagdinig sa Senate Committee on Justice and Human Rights, ayon kay Chairman Richard Gordon, sa imbestigasyon ukol sa Davao Death Squad (DDS). Kaya, ilang pagdinig lang ang naganap, pagkatapos ituring ni Gordon na “damaged good” si Matobato, tinapos na niya ang imbestigasyon.

Sa report na inilabas ng kanyang komite wala raw DDS na nilikha si Pangulong Digong noong siya ay mayor pa ng Davao City na taliwas sa deklarasyon ni Matobato.

Sa mga nangyaring pagdinig ng komite ni Sen. Gordon, naroon din si SPO3 Arturo Lascañas. Siya ang itinuro ni Matobato na pinuno at isa sa mga hitman ng DDS, pero pinabulaanan niya ito. Hindi raw totoo ang sinabi ni Matobato at walang DDS. Kamakailan, sa press conference sa Senado, binawi ni Lascañas ang kanyang naunang testimonya na walang DDS.

Mayroon, aniya, at isa raw siya sa mga pumatay ng mga sangkot sa droga at kalaban ni Pangulong Digong. Sa utos ng Pangulo, kasama raw siya sa um-ambush sa broadcaster na si Jun Pala dahil lagi raw niyang inaatake ito sa kanyang programa sa radyo.

Night Owl

Bakit Dapat Tumanggi ang Pilipinas sa Online na Pagboto

Tinutulan ni Sen. Gordon ang nais mangyari ng kapwa niya senador na dinggin si Lascañas ng Senado sa ginawa niyang pagbaligtad. Sinungaling daw ito at hindi nararapat bigyan pa ng oras ang kanyang testimonya.

Nanaig ang nakararami sa mga senador at napagkaisahan nilang bigyan ng pagkakataon si Lascañas. Humirit si Gordon na ang kanyang komite ang dapat mag-imbestiga kay Lascañas, pero ibinigay nila sa Committee on Public Order and Illegal drugs na pinamumunuan ni Sen. Ping Lacson.

Hindi kaya higit na dapat tutulan ni Sen. Gordon ang confirmation ni Perfecto Yasay bilang Secretary of Foreign Affairs? Kasi, sumumpa siya sa Commission on Appointments (CA) nang dinggin na nito ang kanyang confirmation na kahit kailan ay hindi siya naging American citizen. Ang problema, may mga dokumentong nagpapakita na naging U.S. Citizen siya noong 1986 at tinangka niyang i-renounce ito noong 1993, pero nabigo siyang makuhang muli ang kanyang Philippine citizenship.

Sinasabi rin ng dokumento na pormal niyang ni-renounce ang American citizenship sa U.S. Embassy sa Maynila noong June 28, 2016, dalawang araw bago siya hirangin ni Pangulong Digong sa kanyang Gabinete.

Kay, Sen. Lacson, Chairman ng CA committee on foreign affairs, ang pinakamalaking problema ni Yasay ay hindi iyong hindi siya makukumpirma. Kundi iyong mahahabla siya ng perjury. Ayon naman kay Sen. Migs Zubiri, nagsinungaling si Yasay sa CA at ito ay sapat na batayan para hindi siya kumpirmahin kapag napatunayan na siya ay naging U.S. Citizen.

Anong maaasahan natin sa mga opisyal ni Pangulong Digong, eh ganito siya? Iyon lang Treaty of Paris ukol sa climate change ay umani ng matinding batikos at sinabi niyang hindi niya pipirmahan ito noong kahahalal pa lamang niya.

Kalalagda niya lang ngayon sa tratadong nauna niyang kinamuhian. (Ric Valmonte)