Naniniwala si Senate Majority Leader Vicente Sotto III na hindi makapapasa sa Senado ang panukala sa muling pagbuhay sa parusang kamatayan ngayong 17th Congress dahil hindi naman ito prioridad ng mga senador.

Ayon kay Sotto, kung mabilis itong nakapasa sa Kamara, taliwas naman, aniya, ang sasapitin ng panukala sa Senado, at inaasahang magkakaroon ng mainit na debatehan dahil sa ngayon ay nasa committee level pa lamang ito.

“Sa House priority ang death penalty. Sa Senate hindi assured, hindi priority sa amin. Sa executive priority pero ganun talaga eh. Meron kaming… ‘ika nga, sa amin ite-take up namin ‘yan. Ipinangako naming ite-take up namin pero hindi namin maipangako na priority. So, hindi ko sigurado kung kaya naming ipasa ito by June, hindi ko kayang ipangako. Mahihirapan siguro, mahaba ang debate nito,” ani Sotto.

Sa taya ni Sotto, ang mga senador na kontra sa pagbabalik ng death penalty ay binubuo ng Liberal Party (LP) members na sina Senate Minority Leader Franklin Drilon, Senators Francis Pangilinan, Bam Aquino, at Leila de Lima, at mga kaalyadong sina Senators Risa Hontiveros at Antonio Trillanes IV.

National

China, walang natanggap na asylum application sa kampo ni FPRRD

Kontra rin sa parusang kamatayan sina Senators Richard Gordon at Francis Escudero, ayon kay Recto.

Kasabay nito, nilinaw ni Sotto na pabor siya sa pagpapataw ng parusang kamatayan sa mga kasong may kinalaman sa droga, gayundin si Senate President Pro Tempore Ralph Recto.

WALANG DIKTAHAN, WALANG APURAHAN

Samantala, umaasa si Senator Aquino na hindi madidiktahan at gagalaw ang tamang proseso sa pagtalakay sa death penalty bill sa Senado.

“We will not allow it to be rushed. We must ensure that proper debate on the matter be conducted. We will not allow votes to be anonymous or hidden and we will ensure accountability among our colleagues,” ani Aquino.

Una nang tiniyak ni Aquino na aktibong makikilahok ang bagong minorya sa debate kapag umabot na sa plenaryo ang panukala.

“Buhay po ang nakasasalalay dito kaya mahalaga na dumaan sa tamang proseso. Sa tingin po namin, dehado na naman ang mga kababayan nating mahihirap sa death penalty kaya tutol po kami rito. I am still hopeful that my fellow senators will not vote across partisan lines and vote with their conscience on this matter. In the end, we may even be enough to take a stand,” dagdag pa ni Aquino.

IPAPASA NG KAMARA NEXT WEEK

Kaugnay nito, igigiit naman ng liderato ng Kamara na tuluyan nang maaprubahan ng Mababang Kapulungan ang panukala sa susunod na linggo, kahit pa inaakusahan ang mga kongresista na “parliament of bullies and puppets”.

Pinabulaanan ni House Majority Floor Leader at Ilocos Norte Rep. Rodolfo “Rudy” Fariñas ang mga alegasyong minamadali ang pagpapasa sa death penalty bill, matapos itong lumusot sa ikalawang pagbasa nitong Miyerkules ng gabi sa pamamamagitan ng voice vote.

Alinsunod sa bagong bersiyon ng panukala, nasa pitong kasong may kinalaman sa ilegal na droga na may katapat na parusang habambuhay na pagkabilanggo, o 20-24 na taong pagkakakulong, ang hahatulan ng kamatayan sa pamamagitan ng firing squad, pagbibigti at lethal injection. (LEONEL M. ABASOLA at CHARISSA M. LUCI)