ANO na kaya ang latest development sa napabalita last year na balik-tambalan ang dating mag-asawang Sharon Cuneta at Gabby Concepcion?
It seems sa survey kung sino ang dapat na muling makatambal ng Megastar, lumabas na si Gabby pa rin ang gusto ng fans. Kaya nang huli naming nakausap si Sharon, sinabi niya na tuloy na ang pagbabalik-pelikula niya. “Muli tayong madalas nang magkita-kita,” sabi pa niya.
Isa sa mga paboritong interbyuhin ng press people si Sharon dahil laging materyales ang mga sinasabi niya, at isa talaga siya sa mga artistang magandang interbyuhin.
May lumabas nang balita mula sa Star Cinema na si Cathy Garcia Molina ang magdidirek ng pelikula nina Gabby at Sharon at may tentative playdate na ito sa May 10, pang-Mother’s Day presentation.
Kaya lang, Marso na pero wala pa ring balita kung kailan sila magsisimula ng shooting.
Judge ngayon si Sharon sa Your Face Sounds Familiar Kids at sabi’y tuluy-tuloy pa rin ito sa ipapalit ditong The Voice Teens. May dalawa namang show si Gabby sa GMA-7, ang afternoon prime drama series na Ika-6 Na Utos at ang Tsuperhero every Saturday. Hindi mahirap i-tape ang naturang shows, pero ano nga ba ang dahilan at hindi pa masimulan ang shooting?
Totoo kaya ang nabalitaan namin na problema ang production cost ng movie sakaling ituloy ito? Hindi raw naman ang production budget, dahil ready na raw ang Star Cinema dito, pero sino ang problema?
Wala rin daw namang problema sa talent fee ni Sharon, dahil alam na ng Star Cinema kung magkano ang talent fee niya. So, si Gabby nga ba ang may problema?
Wala pa naman silang sinasabi kung malaki ba ang talent fee na hinihingi ni Gabby, dahil matagal-tagal na rin naman siyang walang ginagawang pelikula at TV series lamang ang pinagkaabalahan niya.
Abangan na lang natin kung ano ang totoong dahilan at hindi pa rin masimulan ang shooting ng bagong Sharon-Gabby movie. (NORA CALDERON)