PINASIMULAN na ni Palawan Governor Jose Alvarez ang paghahanda para sa Baragatan Festival ngayong taon.

Inihayag ni Provincial Information Officer Gil Acosta Jr. nitong Huwebes na handa na ang lahat para sa enggrandeng selebrasyon, na tanyag sa makukulay nitong parada, mga pagtatanghal na nagtatampok sa mayamang kultura ng lalawigan, mga trade expo na dinadayo ng marami, food fair, mga konsiyerto at maraming iba pa.

Sinabi ni Acosta na hinirang niya ang chief of staff ng kapitolyo na si Ceasar Sammy Magbanua para pangunahan ang executive committee na magpaplano ng mga kaganapan at pagsisimula ng mga preparasyon para sa pista, na tatagal ng dalawang linggo.

Tampok sa taunang kapistahan ang mga bago at masasayang pagdiriwang, tulad ng Tribal Olympics at ng kauna-unahang Palawan Rodeo.

Tiyak ding matutuwa ang mga lokal na kompositor sa paglulunsad ng Palawan Artist’s Popular Songwriting Competition, na magiging bahagi sa Grand Finals sa Hunyo 20.

Kasama sa mga aktibidad ng pista ang Search for Mutya ng Palawan, Tunog Palawan musical showcase, boxing tournament, street dancing competition, Caraenan food fair at local quiz bee.

Magsisimula ang Baragatan Festival 2017 sa Hunyo 9, na sisimulan sa pagdaraos ng misa, pagbabasbas sa mga booth ng mga lokal na pamahalaan, paglulunsad sa Caraenan food fair, pagtatampok ng pinakamagagandang hardin, agro-trade fair at private trade fair, photo at art exhibits, kasabay na rin ng pagsisimula ng panggabing presentasyon sa bakuran ng kapitolyo.

Idaraos ang pinakamalalaking kaganapan para sa kapistahan sa Grand Parade sa Hunyo 16 ,kasunod ng fireworks exhibition at isang malaking konsiyerto sa Cory Park.

Ang bansag ng kapistahan ay halaw sa salitang Cuyunon na “baragatan,” na nangangahulugang pagsama-sama ng mga tao mula sa iba’t ibang bahagi ng probinsiya. (PNA)