BUBUSINA kami sa followers ng love team nina Julia Barretto at Ronnie Alonte ng programang A Love To Last para sabihin ang obserbasyon ng karamihan na mas bagay talaga ang aktres kay Joshua Garcia.
Nakumpirma namin ito nang mapanood namin ang “Bituin” episode ng Maalaala Mo Kaya nitong nakaraang Sabado.
Napansin na rin namin nang mapanood namin ang pelikulang Vince and Kath and James sa 2016 Metro Manila Film Festival na mas may kilig sina Julia at Joshua kumpara kay Ronnie na hirap na hirap i-express ang sarili at magsalita.
Sa totoo lang, inilampaso ni Joshua si Ronnie sa pelikula nila in terms of acting, kaya huwag na nilang pagsamahin ang dalawang aktor sa mga susunod na proyekto dahil siguradong mapupulaan ang Hashtag member.
Hindi lang kami ang nakapansin na bagay ang dalawa dahil halos lahat ng nanonood ng MMK noon Sabado na kakilala namin at mga katoto ay halos iisa ang sinasabi, ‘sana sila na lang ang love team.’
Pati pala ang lola ni Z (Joshua) sa The Greatest Love na si Sylvia Sanchez ay nakatutok sa MMK ng apo dahil nag-post siya sa Facebook ng, “Ang gwapong apo ko ay nasa #mmk, sabay natin panoorin si Z, Joshua Garcia, tumutok na umpisa na po ang #mmklovemenow with Julia Barretto.”
Tinext namin ang aktres na binabantayan niya ang acting ng apo niya pero hindi niya kami sinagot.
Nagustuhan namin ang eksena sa beach na kapansin-pansin ang titig ni Joshua kay Julia, kaya naalala tuloy namin ang tsikang may gusto talaga siya sa dalaga sa tunay na buhay. Hindi lang kami sure kung aware ang batang aktor na iba naman ang gusto ng aktres.
Ano kaya ang next project ng dalawa? Feeling namin, sila na ang next love team na aangat nang husto pagkatapos ng LizQuen nina Liza Soberano at Enrique Gil. (REGGEE BONOAN)