CAMP TOLENTINO, Bataan – Inaresto ng Bataan-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang tatlong katao kaugnay ng panggagahasa at brutal na pagpatay sa isang buntis na katutubo sa Sitio Pastolan, Barangay Tipo sa bayan ng Hermosa.
Kinumpirma ni Chief Insp. Reyson Bagain, hepe ng Bataan-CIDG, na nasampahan na ng kasong rape with homicide ang mga naarestong sina Rommel Ponio, Melchor Zapanta at Ricky Rendora, na pawang suspek sa panghahalay at pagpatay kay Angelique Charlote Bulatao.
Sinabi ni Chief Insp. Bagain na muli silang nagsagawa ng imbestigasyon sa pagkamatay ni Bulatao, na natagpuang naaagnas at nakabigti sa puno, hanggang matukoy nilang may foul play sa insidente at isinagawa ang pagdakip sa tatlong suspek.
Ayon sa police report, naaagnas na ang limang-buwang buntis na biktima nang matagpuang nakabigti at walang damit pang-ibaba. (Mar T. Supnad)