Nakatakdang magsagawa ng panibagong tigil-pasada at malawakang welga ang ilang transport groups sa buong bansa sa Abril 21, 2026, bunsod ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa gitna ng pandaigdigang krisis sa enerhiya.
Ayon kay Cerilo Latoreno, national coordinator ng Piston, hindi lamang sa Metro Manila isasagawa ang protesta kundi pati sa iba’t ibang rehiyon sa bansa.
“Kumita na sila sa tatlong [linggo] na imbak nila na binenta nila ng napakamahal, dahil kumita na sila at mag-aangkat na sila, dapat ibalik nila dapat ibalik nila sa ₱55/L yung rollback ng diesel kasi kumita na rin sila eh,” ani Latoreno sa media.
Tinatayang mahigit 4,000 tsuper ang inaasahang makikilahok sa Kalakhang Maynila pa lamang, bilang bahagi ng sabayang pagkilos ng sektor ng transportasyon.
Ipinahayag ni Latoreno ang pagkadismaya sa umano’y kakulangan ng tugon ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa kanilang mga naunang panawagan, kabilang ang pagsususpinde ng excise tax sa diesel at value added tax (VAT) sa produktong petrolyo.
Giit niya, patuloy umanong kumikita ang malalaking kompanya ng langis habang lalong nahihirapan ang mga tsuper at operator na kumita para sa kanilang kabuhayan.
Dagdag pa ng lider-transport group, hindi pa rin umano sapat ang kamakailang rollback sa presyo ng langis upang maramdaman ng kanilang sektor ang ginhawa sa gastusin.
Panawagan ng grupo sa pamahalaan na pababain sa ₱55 kada litro ang presyo ng petrolyo at tuluyang ibasura ang Oil Deregulation Law, na anila’y nagiging daan upang samantalahin ng mga oil company ang merkado.