TATANGKAIN ng defending women's champion College of St.Benilde na makaahon mula sa bingit ng kabiguan sa pagsagupa sa second seed Arellano University sa kanilang pagtutuos ngayon sa ikalawang stepladder match ng NCAA Season 92 women’s volleyball tournament sa San Juan Arena.
Nakatakda ang laro sa 4:00 ng hapon.
Kakailanganin ng Lady Blazers na magwagi ng dalawang ulit sa Lady Chiefs para makausad sa finals kung saan naghihintay ang San Sebastian College, nagwalis sa two-round elimination.
Mauna rito, magsisimula ang best-of-3 final series sa men's division sa pagitan ng defending champion University of Perpetual Help Altas at St.Benilde Blazers ganap na 2:00 ng hapon.
"Kailangan naming paghandaan at maimprove yung blocking namin kasi dun malakas ang St.Benilde, pero dapat ready din yung aming floor defense," pahayag ni Arellano coach Obet Javier. (Marivic Awitan)