WALANG kaduda-duda na nangunguna sa mga panghapong programa ang The Greatest Love.
Katunayan, una, halos lahat ng non-showbiz people na nakakausap namin ay ang programa ni Sylvia Sanchez ang pinapanood. Sila pa ang nagkukuwento kung ano ang laman ng episode na umeere araw-araw.
At sa guesting ng mag-iinang Ibyang, Arjo at Ria Atayde sa Gandang Gabi Vice na ipalalabas sa susunod na Linggo sa ABS-CBN, inamin ni Vice Ganda na avid viewer din siya ng The Greatest Love.
“Pagkatapos kasi ng Showtime, susunod na ang TGL, so habang kumakain ako at nasa sasakyan pauwi na, pinapanood ko talaga. Kaya alam ko lahat ng mga ganap sa TGL at talagang napapaiyak ako ng programa n’yo,” sabi ni Vice kay Ibyang.
“Nag-tweet nga ako, di ba, na lagi akong pinapaiyak ng show na ito.
“’Tapos ‘yung eksenang nag-trending kayo, talagang pinag-usapan ‘yun, ‘yung nasa lamesa kayo ‘tapos ang iingay ng mga anak mo, sabay tanong mo, ‘Sino kayo? Bakit kayo nag-aaway-away sa bahay ko?’
“Actually, ginagaya namin ‘yan sa bahay. Di ba, mga bakla kasama ko sa bahay, ganu’n din ang sinasabi ko sa kanila, ‘Sino kayo? Bakit kayo nag-aaway-away sa bahay ko? Magsilayas kayo,” ganern,” natatawang kuwento ni Vice.
Nangilid ang luha ni Vice at nagpakuha ng tissue nang marinig ang kuwento sa masayang relasyon ng pamilya ni Sylvia at hindi sila nag-aaway-away, na idinaan niya sa pabirong, ‘Hindi namin naranasan ‘yan kasi kanya-kanya kaming buhay that time.’
Sa totoo lang, hindi pa talaga namin nakitang nag-away-away ang magkakapatid na Atayde. Dahil siguro maganda ang pagpapalaki sa kanila ng magulang nila.
Anyway, abangan ang episode nina Ibyang, Ria at Arjo sa Gandang Gabi Vice dahil tiyak na sasakit ang tiyan ninyo sa katatawa.
Speaking of Vice, muli na naman siyang magpapasabog sa Pebrero 14, Araw ng mga Puso sa concert niyang Pusuan Mo si Vice Ganda Sa Araneta. (Reggee Bonoan)