Miss Universe-New Zealand Tania Dawson (Kuha ni Rizaldy Comanda) copy

BAGUIO CITY - “We are very proud na may taga-Baguio na kasali sa Miss Universe, and we pray her best in this pageant.”

Ito ang pahayag ni Mayor Mauricio Domogan para kay Miss New Zealand Tania Dawson, na kabilang sa 28 kandidatang bumisita sa siyudad nitong Miyerkules.

Ang 24-anyos na may dugong Pinoy na si Dawson ay anak ni Margarita Palabay, tubong Sta. Maria, Pangasinan. Isinilang si Palabay sa Baguio City hanggang sa makapag-asawa sa New Zealand.

Trending

Lalaki, nalulong sa sugal; ipon na ₱800K, naglaho na lang parang bula

Todo-suporta ang buong pamilya Palabay, sa pangunguna ni Margarita, gayundin ang mga kaibigan ni Dawson, nang pumarada ang pambato ng New Zealand sakay sa float para sa mga kandidata ng Miss Universe.

“Masayang-masaya kami at lahat ng pamilya at kaibigan ko, at ang anak ko ay nandito ngayon, para sa suporta kay Tania. Malaki ang pasasalamat namin at nasama siya rito sa Baguio,” pahayag ni Palabay.

Sumalubong ang malamig na temperatura ng lungsod, naitala sa 14 degree Celcius, sa mga kandidata dakong 8:00 ng umaga nitong Miyerkules at naging mainit ang pagtanggap ng mga opisyal at residente sa 28 pambato ng iba’t ibang bansa, kasama si 2015 Miss Universe Pia Wurtzbach, sa Loakan Airport.

Nagkaroon ng silent exhibition drill at sa huli ay sumayaw ang mga kadete ng Philippine Military Academy Class 2018 sa gitna ng runway, na labis na ikinasiya ng mga kandidata, bago binigyan ng pulang rosas ng mga kadete ang bawat isa sa kanila.

Bagamat naantala ng mahigit isang oras ang parada, na dapat ay 10:00 ng umaga sinimulan, hindi natinag sa kani-kanilang puwesto ang mahigit 20,000 nag-abang sa Upper Session Road-Southdrive patungo sa loob ng Baguio Country Club.

Apat na naggagandahang Panagbenga Flower Floats ang inihanda ng Hotel and Restaurant Association in Baguio (HRAB) na sinakyan ng mga kandidata, kabilang ang Baguio Country Club float na sinakyan naman ni Wurtzbach. (RIZALDY COMANDA)