HINDI na maitatanggi na halos nagtriple ang dami ng motorsiklo na bumibiyahe kahit saan.
Ano mang oras, nagdagsaan ang motorsiklo na mistulang mga ipis na nag-uunahan sa kalsada. Hataw dito, hataw doon.
Singit dito, singit doon. Talagang hindi magpapaawat, hindi mapakali sa isang linya.
Hindi rin natin masisisi ang mga rider dahil kaya nila binili ang kanilang motorsiklo ay sa hirap makasakay sa pampublikong sasakyan, dahil sa matinding traffic halos kahit saan, at dahil sa mataas na presyo ng bagong kotse at gasolina.
‘Wag nating kalilimutan na kaya nagmomotorsiklo ang marami ay madalas na nagmamadali rin ang mga itong makarating sa kanilang paroroonan.
Tanungin n’yo si Boy Commute. Bunsod ng kanyang pagkapikon sa kawalan ng masakyang jeepney o taxi, ninais na lang niyang magmotorsiklo kahit makalanghap ng usok ng sasakyan, maalibukan ang kanyang school boy complexion, mabilad sa init ng araw, o maulanan.
Hindi pa kasama rito ang peligro na mahagip ng mga pasaway na motorista.
Totoong mapanganib magmotorsiklo, lalo na’t araw-araw mo itong ginagawa.
Para sa mga nagmomotor, hindi biro ang sumabak sa lansangan araw-araw dahil nakapapagod din magmaniobra ng dadalawang-gulong at walang tigil ang pagbalanse.
Oo nga’t mabilis silang nakararating sa kanilang destinasyon subalit madalas sila’y pagod dahil sa pagkontrol sa motorsiklo gamit ang kanilang sasakyan.
Akala ng iba ay madali lang ang magmotorsiklo.
Para sa kaalaman ng marami, hindi lahat ay may kakayahang motorsiklo.
Dapat ay bigyan din ng konsiderasyon ang lagay ng kalusugan ng rider…ang talas ng mata, ang lakas ng kanyang mga binti at braso, at mabilis na reflexes o pagkilos.
Kailangan ng motorcycle rider ang lakas ng loob.
Tanggapin natin ang katotohanan na hindi lahat ay may kakayahang magmotorsiklo.
Totoo rin ang obserbasyon ng marami na hindi lahat ng nakapagmamaneho ng sasakyan ay kaya ring magmotorsiklo.
Talagang magkaiba sila ng mundo.
Subalit kapag nakausap n’yo ang mga nagmomotor ay tiyak na sasabihin nila na masarap ang naka-two wheels.
Ang pagmomotor ay nakare-relax sa iba kaya marami tayong nakikitang rider na bumibiyahe sa mga probinsiya tuwing Sabado o Linggo.
Nakaaaliw tingnan kung naka-single o double file ang mga ito at hindi barumbado na pasuray-suray sa kalsada.
In-na-in na rin sa mga motorcycle club ang pagkakaroon ng kani-kanyang uniporme, vest at patch para exclusive ang membership sa kanilang grupo.
Iba ang samahan ng mga rider. Marami sa kanila ang ‘tila mayroong brotherhood o kapatiran. Malakas ang kanilang bonding o pagkakaisa.
Kaya, tara na! Ride na tayo! (ARIS R. ILAGAN)