Inaprubahan ng House Committee on Transportation kahapon ang panukalang-batas na nagbibigay ng special powers sa administrasyong Duterte para solusyunan ang hindi matapus-tapos na krisis sa traffic sa bansa sa loob ng tatlong taon.

Ipinasa ng panel, na pinangunahan ni Catanduanes Rep. Cesar Sarmiento, ang House Bill 4334 na nagtatalaga sa Transportation Secretary bilang de officio Traffic Chief upang balangkasin ang pamamahala sa trapik at transportasyon at kontrol sa paggamit ng mga lansangan sa Metro Manila, Metro Cebu at Davao City.

Si Eastern Samar Rep. Ben Evardone ang nagmosyon para sa pag-apruba sa panukalang-batas, na ang principal authors ay sina House Speaker Pantaleon D. Alvarez, Sarmiento at House Majority Floor Leader Rodolfo C. Fariñas.

Bago pa man nagmosyon si Evardone, kumilos na rin si 1-CARE Party-list Rep. Carlos Roman Uybarreta para sa pag-apruba sa panukala nang talakayin ng panel ang proposed amendments sa HB 4334 o ang “Traffic Crisis Act of 2016 Makiisa, Makisama, Magka-isa.” Pero nagdesisyon si Sarmiento na patuloy na talakayin ang mga iminungkahing pagbabago sa bill.

Eleksyon

49 na senatorial aspirants, naghain ng COC ngayong Oct. 7

Sa ilalim ng HB 4334, ang Department of Transportation (DoTr) Secretary bilang Traffic Chief ay may kapangyarihang pangasiwaan at kontrolin ang Metropolitan Manila Development Authority; Cebu Coordinating Council; Philippine National Police-Traffic Management Group; Land Transportation Office; Land Transportation Franchising and Regulatory Board; Road Board; lahat ng iba pang executive agencies, at mga opisina na may papel sa land transportation regulation; at sa Davao Traffic Administrator.

Ang Traffic Chief, bilang alter ego ng Pangulo, ay may kapangyarihang pangasiwaan ang lahat ng local government units (LGUs) na sakop ng mga Metropolitan Area, ayon sa panukalang-batas. Magkakaroon siya ng kapangyarihan na: magpatupad ng single ticketing system; ipawalang-bisa o ikansela ang mga kontrata at lisensiya; at magkumpiska o magsuspinde ng mga lisensiya, at iba pang katulad na tungkulin, ayon pa sa bill.

Umaasa si Sarmiento na ang bill ay ieendorso para sa plenary discussions “by first week of February.”

(Charissa M. Luci)