Kevin Durant,LeBron James

Warriors, tinambakan ang Cavs ng 35 puntos.

OAKLAND, California (AP) — Mahaba pa ang serye, ngunit sa antas ng laro ni Stephen Curry at ng Golden State Warriors, ramdam na ang kanilang kahandaan na makipagsabayan kay LeBron James at sa Cavs sa Finals.

Umulan ng three-pointer sa Oracle Arena, kabilang ang lima para sa kabuuang 20 puntos ng two-time MVP at pantayan ang season-best 11 assist sa dominanteng panalo ng Warriors sa Cavaliers, 126-91, nitong Lunes (Martes sa Manila).

Mga Pagdiriwang

Si Sergio Osmeña bilang ‘shortest serving President of the Philippines’

Nag-ambag si Klay Thompson ng 26 puntos, kabilang ang limang three-pointer, habang naitala ni Draymond Green ang ikatlong triple-double sa kasalukuyan -- 11 puntos, 13 rebound at 11 assist. Naitala rin niya ang career best na limang block at muling nakipagbuno kay King James.

Nalimitahan si James sa 20 puntos mula sa malamyang 6-of-18 shooting at walong rebound, ngunit muling nasentro ang aksiyon sa banggaan ng dalawa.

Hataw din si Kevin Durant sa nakubrang 21 puntos, anim na rebound, limang assist at tatlong block, tampok ang depensa kay James na nagdulot nang labis na kasiyahan sa home crowd.

Malupit ang naging bawi ng Warriors sa natamong kabiguan sa Cavs, 108-109, sa Kapaskuhan kung saan naisalpak ni Kyrie Irving ang fade-away jumper para tampukan ang matikas na pagbangon ng defending champion mula sa 14 puntos na paghahabol.

Sa nakalipas na Finals, nabitiwan ng Warriors ang 3-1 bentahe dahilan para higit silang maging masigasig para sa isa pang pagkakataon sa kampeonato.

Kumubra si Irving ng 17 puntos para sa Cavs na nagtamo ng 15 turnover. Tumipa ang Cavs sa mababang 35.2 porsiyento (31 for 88) sa overall field goal.

Humugot si Zaza Pachulia, sopresang top 5 vote leader para sa All-Stars, ng 13 rebound, habang kumana si Andre Iguodala ng season-high 14 puntos at umiskor si Shaun Livingston ng 13 puntos sa Warriors.

HAWKS 108, KNICKS 107

Sa New York, ratsada si Dennis Schroder sa natipang 28 puntos, tampok ang go-ahead three-pointer sa huling 22 segundo para maitakas ng Hawks ang panalo kontra sa Knicks.

Kumubra si Tim Hardaway Jr. ng 20 puntos at kumana si Paul Millsap ng 17 puntos para sa ikasiyam na panalo sa 10 laro ng Hawks.

Nanguna sa Knicks si Carmelo Anthony sa naiskor na 30 puntos.

Hindi pinaglaro ng management si Hawks forward Dwight Howard, habang pahinga rin si Knicks center Kristaps Porzingis bunsod ng nmamagang Achilles tendon.

WIZARDS 120, TRAIL BLAZERS 101

Sa Washington, umiskor ng kabuuang 49 puntos sina Bradley Beal at John Wall para sa ika-12 sunod na home victory ng Wizards.

Nakagugulat ang 13-of-23 sa three-pointer ng Wizards na kilalang koponan na hindi masyadong nagtititira sa long range. Taliwas sa three-point team na Blazers na kumana ng mababang 8-of-26 porsiyento.

Nanguna sa Portland si Damian Lillard sa nakulimbat na 22 puntos, habang kumabig si C.J. McCollum ng 12 puntos.

76ERS 113, BUCKS 104

Sa Milwaukee, ginapi ng Philadelphia Sixers, sa pangunguna ni Joel Embiid na humirit ng 22 puntos, ang Bucks para sa ikaapat na panalo sa huling limang laro.

Humugot din si Embiid ng 12 rebound, habang umiskor si Dario Saric ng 17 puntos at tumipa si Ersan Ilyasova ng 12 puntos.

Nanguna sa Bucks sina Jabari Parker at Giannis Antetokounmpo na tumipa ng tig-23 puntos.

Sa iba pang laro, naungusan ng Indiana Pacers ang New Orleans Pelicans, 98-95; at pinulbos ng Denver Nugget ang Orlando Magic, 125-112;