MALA-TITLE ng libro ni Nicholas Sparks ang titulo ng reunion movie nina John Lloyd Cruz at Sarah Geronimo na Dear Future Husband.
Hindi ba’t ang ganda, title pa lang at romance movie na agad ang dating.
Lalong na-excite ang naghihintay na fans at moviegoers sa muling pagtatambal nina John Lloyd at Sarah, sa paglabas pa lang ng title.
Ang tanungan agad ay kung nagsimula na bang mag-shooting ang pelikula, pero wala pang shooting na nagaganap dahil kahapon pa lang sila nag-storycon sa Star Cinema office.
May nanghula na si Direk Cathy Garcia-Molina ang magiging direktor nila, pero busy pa ito sa bagong pelikula nina Enrique Gil at Liza Soberano na My Ex and Whys. Sa pictures na lumabas sa social media, si Direk Ted Boborol ang kasama sa storycon nina Sarah, John Lloyd at Ms. Malou Santos. Si Direk Ted ang direktor ng blockbuster hit na Vince & Kath & James.
Hindi gaanong magtatagal ang ipaghihintay ng fans nina John Lloyd at Sarah dahil 2017 ang playdate ng pelikula, kaya malapit-lapit na siguro ang shooting nila.
Tiwala lang, guys! Four years nga kayong naghintay, gaano ba ‘yung ilang buwan na lang bago maipalabas!
(NITZ MIRALLES)