MELBOURNE, Australia (AP) — Bunsod nang mahabang pahinga dulot nang tinamong injury, naapektuhan ang world ranking ni 17-time Grand Slam winner Roger Federer dahilan para mapunta siya sa pahirapang draw sa Australian Open.
Sa inilabas na seeding position, nalaglag si Federer sa No. 17 matapos magwagi si Grigor Dimitrov sa Brisbane International at umusad sa No. 15.
Pinilit ng Australian Open organizer na isunod ang ranking system para sa 32 player sa men's at women's single, dahilan para malagay ang 35-anyos na si Federer sa main draw kung saan posible niyang makaharap sa third round ang isa sa Top 10 player.
Nakatakda ang draw sa Biyernes (Sabado sa Manila) at gaganapin ang first round ng season-opening major sa Lunes (Martes sa Manila) sa Melbourne Park.
Nakopo ni Federer ang Australian open nang apat na ulit mula 2004, ngunit hindi na ulit siya nanalo ng major mula 2010.
Mahigit anim na buwan siyang nagpahinga matapos sumailalim sa operasyon ang kaliwang tuhod. Sa pagtatapos ng 2016, nalagay siya sa NO.16 sa world ranking.
Nagbalik aksiyon siya nitong nakalipas na linggo sa international mixed teams exhibition na Hopman Cup sa Perth.
Australia.
Tulad ng inaasahan, ang No. 1 ranked ay si Andy Murray kasunod si six-time Australian Open champion Novak Djokovic sa men's draw, habang top seed si Angelique Kerber, ang reigning Australian at U.S. Open champion, sa women's draw kasunod si six-time champion Serena Williams.
Nasa No.3 seed si Wimbledon finalist Milos Raonic kasunod sina U.S. Open champion Stan Wawrinka, Kei Nishikori, Gael Monfils, Marin Cilic, Dominic Thiem, 14-time major winner Rafael Nadal at Tomas Berdych.
Kasunod naman nina Kerber at Williams sa top 10 women's seed sina Agnieszka Radwanska, Simona Halep, Karolina Pliskova, Dominika Cibulkoa, Garbine Muguruza, Svetlana Kuznetsova, Johanna Konta at Carla Suarez Navarro.