Hindi ipagpapaliban ni Pangulong Duterte ang planong pagtataas sa kontribusyon ng Social Security System (SSS), gaya ng iminumungkahi ng ilang senador.

Naninindigan ang Pangulo sa desisyon niyang dagdagan ang pensiyon at itaas ang kontribusyon matapos ang masusing pag-aaral sa usapin, ayon kay Presidential Communications Secretary Martin Andanar.

“The President has carefully weighed both sides to solve the SSS impasse and he has already made a decision,” sabi ni Andanar.

Aniya, ang dagdag-pensiyon sa mga SSS member ay popondohan ng kasalukuyang kontribusyon ng mga miyembro at ng kita sa pamumuhunan.

National

De Lima, nag-react sa pahayag ni Espinosa na si Bato nag-utos na idiin siya sa illegal drugs

Ang pinaplanong 1.5 porsiyentong dagdag sa kontribusyon sa Mayo ay gagamitin naman sa pagpapabuti sa Investment Reserve Fund ng SSS, ayon kay Andanar.

Una nang umapela si Senator Joel Villanueva sa SSS Board na ipagpaliban ang dagdag-kontribusyon at sa halip ay pag-ibayuhin na lang ang koleksiyon.

Kasabay naman ng papuri ni Senator Franklin Drilon sa karagdagang P1,000 sa pensiyon, sinabi niyang ilegal ang pagtatatas sa SSS premium.

Mariin naman itong pinabulaanan ni SSS Chairman Amado Valdez, sinabing dagdag-pensiyon ngayong Enero ay magmumula sa kasalukuyang kontribusyon at kita sa investments ng ahensiya. (Genalyn Kabiling at Jun Fabon)