PANSIN na pansin ang performance at kaseksihan ni Sanya Lopez sa pagganap niya bilang si Sang’gre Danaya sa Encantadia. Sa apat na magkakapatid na Sang’gre, siya ang matapang pero level-headed.
At siya lang ang binigyan ng dalawang matitikas na lalaking parehong nagmamahal sa kanya, sina Aquil (Rocco Nacino) at Muros (Carlo Gonzales). Sa madaling sabi, pinag-aagawan ng dalawa ang atensiyon niya.
May kilig moments din sina Danaya at Aquil, kagagawan ni Princesa Lira (Mikee Quintos). Tinuruan ni Lira si Aquil ng salita ng mga tao na ‘I love you’ o minamahal kita, pero kay Danaya sinabi nitong ang kahulugan ng mga kataga ay kabaligtaran o ‘I hate you’. Kaya nalilito si Aquil tuwing magagalit sa kanya si Danaya, ang sinasabi kasi ay ‘I love you’ at kapag sinagot niya ng ‘I love you’ rin ay nagagalit at wala raw itong karapatang sabihan siya ng ‘I love you’ na ang kahulugan nga ay ‘I hate you.’
Tinuruan din ni Lira si Muros na huwag maging torpe at sabihin kay Danaya ang tunay na nararamdaman.
Pero paano pipiliin ngayon ni Sanya si Aquil, oo nga at mahal na niya ito sa simula pa lamang pero nagkasala ito sa batas ng Lireo, nang ipagkanulo nito kay Hagorn (John Arcilla) ang kinaroroonan ni Lilasari (Diana Zubiri).
Samantalang lagi lang naririyan si Muros na kayang ibigay sa kanya ang lahat.
Maging ang netizens na sumusubaybay sa number one primetime epic drama ay kanya-kanyang pili na rin, mayroong maka-Aquil, mayroon ding maka-Muros.
Kung gusto ninyong maaliw at ma-in love gabi-gabi, huwag palampasin ang exciting scenes ng Encantadia pagkatapos ng 24 Oras. (NORA CALDERON)