ANG mga taong naninirahan sa malapit sa mga abalang lansangan ay mas nanganganib na dapuan ng dementia kumpara sa mga taong nakatira malayo sa mga ganitong lugar, ayon sa mga researcher sa Canada.
Napag-alaman sa pag-aaral na inilathala sa The Lancet medical journal na ang mga taong nakatira sa distansiyang umaabot sa 50 metro (55 yarda) sa mga daanang may matitinding trapik ay mas mataas ng pitong porsiyento ang posibilidad para magkaroon ng Dementia kumpara sa mga taong nakatirang mahigit 300 metro ang layo sa mga abalang lansangan.
“Air pollutants can get into the blood stream and lead to inflammation, which is linked with cardiovascular disease and possibly other conditions such as diabetes. This study suggests air pollutants that can get into the brain via the blood stream can lead to neurological problems,” sabi ni Ray Copes, isang environmental at occupational health expert sa Public Health Ontario (PHO) na nagsagawa ng pag-aaral kasama ang kanyang mga katrabaho mula sa Institute for Clinical Evaluative Sciences sa Canada.
Ang dementia ay dulot ng sakit sa utak na pinakakilala bilang Alzheimer’s disease, na humahantong sa pagkawala ng brain cells na nakakaapekto sa memorya, pag-iisip, pag-uugali, navigational at spatial abilities at ang kakayahang isagawa ang pang-araw-araw na mga aktibidad.
Tinataya ng World Health Organization noong 2015 na umaabot sa 47.5 milyong katao ang nagtataglay ng dementia, at mas lalo itong tumataas habang umaakyat ang life expectancy at societies age. Ang hindi nagagamot na kondisyong ito ang pangunahing dahilan ng disability at dependency.
Sinuri ng grupo ni Chen ang record ng mahigit sa 6.5 milyong residente ng Ontario na nasa edad 20 hanggang 85 at napag-alaman na 243,611 ang mayroong dementia simula 2001 hanggang 2012. Gamit ang postal codes, inalam nila ang distansiya ng mga residente sa sa mga pangunahing daan.
Bumaba sa 4% ang panganib sa pagkakaroon ng dementia kung nakatira ang mga tao sa 50 hanggang 100 metro mula sa mga lansangang siksikan ang trapik, at 2% kung nakatira sa 101 hanggang 200 metro. At kung mahigit 200 metro, nawawala ang tumataas na panganib sa sakit.
Tiningnan din ng grupo ang kaugnayan ng pagtira sa malapit sa pangunahing lansangan sa Parkinson’s disease at multiple sclerosis – dalawang pangunahing neurological disorder – ngunit iminumungkahi ng resulta na walang idinudulot na pagtaas ng panganib sa pagtira na malapit sa may matitinding trapik.
Inihayag ng mga siyentista na makatutulong ang kanilang resulta sa mga town at city planners para isaalang-alang ang kondisyon ng trapiko at polusyon sa hangin sa kanilang pinag-aaralan sa paglaki na rin ng populasyon ng lungsod.
(Reuters)