“ANYARE sa Kabisera? Bokya na nga sa takilya, bokya pa rin sa MMFF (Metro Manila Film Festival) awards night?” komento ng mga katoto.

Nagtataka maging ang ilang reporter friends ni Ms. Nora Aunor kung bakit wala man lamang daw napanalunan ang Kabisera gayong maganda naman daw ang pagkakalatag ng kuwento.

Pero may nagsabi namang, “Wala namang bago na sa acting ni Nora, ate. Pareho lang sa dati. Lipas na.”

May katoto kaming Noranian na matapang na nagsabing, “Hindi maganda ang Kabisera.”

Pelikula

Barbie Forteza, magkakaroon ba ng pelikua; sinong leading man?

So, deserving palang hindi manalo sa MMFF?

Hindi pa kasi namin napanood ang Kabisera kaya panay ang tanong namin sa mga nakapanood na kung nagandahan sila sa pelikula at kung may bago nga sa acting ng Superstar. Hindi lang naman din si Nora ang artista sa pelikula at pawang magagaling din dahil may natanggap na ring awards, pero ang ipinagtataka namin ay wala man lamang nakuhang award ang pelikula, maski sa teknikal na aspeto.

Hindi siguro nagustuhan ng mga hurado ng MMFF ang Kabisera kumpara sa selection committee na isa nga ito sa mga piniling mapabilang sa Magic 8.

Baka raw magandahan sa Kabisera ang ibang film festival dahil plano naman raw itong isali sa ibang bansa.

Wala ring naiuwing anumang award ang Ang Babae sa Septik Tank 2: Forver is not Enough. Anong nangyari, nawala na ang magic nina Eugene Domingo, Direk Marlon Rivera at Chris Martinez?

Gayunpaman, sang-ayon ang maraming entertainment writers sa pakiusap ng MMFF sa theater owners na tapusin ang festival week na hindi tinatanggal sa mga sinehan ang mga pelikulang hindi kumikita.

Big winner ang Sunday Beauty Queen bilang Best Picture at Best Story kaya malamang na bigla itong sumipa sa takilya, katulad ng Heneral Luna ni John Arcilla na isang linggo munang hindi pinasok ng mga manonood pero biglang dinumog nang kumalat na maganda pala ito.

(Editor’s note: Iisa ang producer ng Heneral Luna at Sunday Beauty Queen.)

Maaari ring makatulong sa Oro para kumita ang pagkakapanalo ni Ms. Irma Adlawan ng Best Actress at ang nakamit nitong FPJ Memorial Award for Excellence.

Best Musical Score at Children’s Choice lang ang nakuhang awards ng Saving Sally, pero halos lahat ng nabasa naming rebyu ay puring-puri ang pelikulang ito ni Rhian Ramos na napakatalino raw ng pagkakagawa at kung anu-ano pa. Baka hindi mahilig sa animation ang mga hurado?

Bukod sa Children’s Choice – kasama ng Saving Sally at Sunday Beauty Queen ay walang major awards na napanalunan ang Vince & Kath & James pero tiyak na hindi naman apektado ang Star Cinema at ang mga bidang sina Joshua Garcia, Julia Barretto at Ronnie Alonte dahil blockbuster -- at halos isang linggo pa ngang naging number one sa box office -- ang pelikula nila.

Big winner ang Seklusyon. Bukod sa technical awards, Best Supporting Actress si Phoebe Walker. Ikatlong pelikula pa lang niya ito bukod sa Trophy Wife (2014) at Gayuma (2015) pero nakasungkit na kaagad siya ng acting award. Ang batang gumanap na manggagamot din na si Rhed Bustamante ang ginawaran ng Special Jury Prize kaya malamang na lalong maging sold-out ang bawat screening ng Seklusyon.

Big winner din ang Die Beautiful dahil bukod sa tinanghal na Best Actor si Paolo Ballesteros ay nanalo rin ng Best Supporting Actor ang gumaganap bilang best friend niyang si Christian Bables. Kinabog din nila ang ibang mga pelikula dahil sila ang ibinoto online para sa People’s Choice Award. At higit sa lahat, number one na sa takilya ang pelikula ng mga beki.

Congratulations sa mga nanalo at kumikita sa takilya, better luck next time naman sa mga bokya at hindi gaanong pinapasok sa mga sinehan. (REGGEE BONOAN)