TAUN-TAON, ipinagdiriwang ng bansa ang Rizal Day para gunitain ang pagiging makabayan at martir ng ating pambansang bayani na si Dr. Jose P. Rizal, na binitay sa pamamagitan ng firing squad sa Bagumbayan (Rizal Park ngayon) noong 1986. Ngayon taon ang ika-120 anibersaryo ng kanyang kamatayan, at ang ika-125 anibersaryo ng pagkakalathala ng El Filibusterismo, ang kasunod ng kanyang nobelang Noli Me Tangere, sa Ghent Belgium noong 1891. Ang dalawang nobelang ito ay ipinababasa sa lahat ng mga paaralan sa Pilipinas.
Ang mahahalagang bahagi ng pagdiriwang ay ang 103 taon nang bronze-and-granite na monumento ni Rizal sa Manila, ang National Cultural Treasure; Dambana ni Rizal, ang kanyang sinilangang Calamba, Laguna; ang malaking memorial sa Bayombong Nueva Vizcaya; at ang hindi mabilang na mga monumento sa bawat bayan at lungsod ng Pilipinas.
Pinagninilayan natin ang mga sakripisyo ni Rizal, ang kanyang mga katangi-tanging nagawa sa agham, panitikan, kasaysayan, at medisina, at kanyang mga kontribusyon sa ating kalayaan at demokrasya.
Magsisimula dakong 7:03 ng umaga ang programa ng paggunita sa Monumento ni Rizal na kapareho ng oras ng pagbaril sa kanya. Inaasahang dadalo sa flag-raising at wreath-laying rites si Pangulong Rodrigo R. Duterte at mga miyembro ng diplomatic corps. Magsasagawa ng lecture ang National Historical Commission of the Philippines na, “Retracing Radicalism in Life and Writing of Jose Rizal, para himukin ang mga Pilipino na makisali sa mga talakayan at pagpapalitang-kuro tungkol sa ideolohiya at politika ni Rizal.
Magsasagawa ang lokal na pamahalaan ng civic parade, diyalogo para balikan ang mga turo at paninindigan o prinsipyo ni Rizal. Ang Rizal Shrine ay may memorabilia, kopya ng manuscript ni Rizal at ng mga ginuhit niya. Mayroong artifacts ang Rizaliana gallery mula sa adult years ng bayani tulad ng bahagi ng kanyang coat na isinuot niya nang siya’y barilin. Matatagpuan ang kanyang pinakamataas (22-foot) na bantayog sa kanyang tahanan sa Calamba, na kumakatawan sa 22 lengguwahe na kanyang sinalita.
Tradisyunal na nagsasagawa ng symbolic walk ang Knight of Rizal at Kababaihang Rizalista mula sa kanyang prison cell sa Fort Santiago kung saan niya ginugol ang kanyang mga huling sandali hanggang sa Bagumbayan. Naghahanda ang Knight of Rizal para sa kanilang ika-21 International Assembly sa Pebrero 23-25, 2017 sa lungsod ng Davao at Tagum sa Davao del Norte.
Ginaganap ang commemoration rites, sa pangunguna ng mga embahada ng Pilipinas at mga konsulado pati na rin ang mga Filipino community, sa United States kung saan nakatayo ang siyam na bantayog ni Rizal – sa Carson City, California; Juneau, Alaska; Kauai at Lihue, Hawaii; Chicago, Illinois; Orlando, Florida; Cherry Hill sa New Jersey; New York City at Seattle, Washington; pati na rin sa Argentina, Belgium, Canada, China, France, Germany, Italy, Japan, at Spain.
Isinagawa ang unang pagdiriwang sa pagkamartir ni Rizal noong Disyembre 30, 1898, nang ipinakita at itayo ang kanyang unang monumento sa Daet, Camarines Norte. Alinsunod sa Act No. 243 noong Setyembre 28, 1901, ipinagkaloob ng mga Amerikano ang paggamit ng pampublikong lugar sa Luneta para itayo ang monumento ni Rizal. Isinabatas ng Philippine Commission ang Act No 345 noong Pebrero 1, 1902, na nagdedeklara sa Disyembre 30 ng bawat taon bilang Araw ni Rizal.