Kevin Durant,Norman Powell

Warriors, sinikil ang Raptors; Bulls at Spurs umarya.

OAKLAND, California (AP) – Nasustinihan ng Golden State Warriors ang matikas na simula para makaiwas sa isa pang pagkolapso at gapiin ang Toronto Raptors, 121-111, nitong Miyerkules (Huwebes sa Manila) sa Oracle Arena.

Matapos mabitiwan ang 14 puntos na bentahe at mabigo sa Cleveland Cavaliers, kumawala ang Warriors sa first half, tangan ang 74 porsiyento sa shooting para maitarak ang 25 puntos na bentahe.

Human-Interest

Pagsasabit ng pagkain para sa mga walang makain sa ibang bansa, uubra ba sa Pinas?

Nagawang maidikit ng Raptors ang bentahe sa lima, ngunit sapat ang lakas ng Golden State para manatili ang kapit sa bentahe. Kumawala ang outside shooting ni Stephen Curry, habang sumablay si Durant sa three-point, ngunit naitala nila ni Draymond Green ang back-to-back block kay DeMar Derozan.

Nanguna si Curry na may 28 puntos, habang humugot si Durant ng 22 puntos, 17 rebound, pitong assist at anim na block para sa Warriors, nanatiling nangunguna tangan ang 28-5 karta.

Nag-ambag si Klay Thompson ng 21 puntos at tumipa si Green ng 14 puntos at 10 assist.

Pumitas sina DeRozan at Kyle Lowry ng 29 at 27 puntos, ayon sa pagkakasunod, para sa Raptors (22-9).

BULLS 101, NETS 99

Sa Chicago, Isinantabi ni Jimmy Butler ang nadaramang sakit sa paa para maisalansan ang season-high 40 puntos, kabilang ang game-winning jumper para sandigan ang Chicago Bulls kontra Brooklyn Nets sa United Center.

Tinuldukan ng buzzer-beating shot ni Butler ang impresibong 27 puntos na naitala sa second half, kabilang ang 13 puntos sa final period. Nagawa niya ito, sa kabila ng paika-ikang kilos bunsod ng natamong sprained sa paa.

Naghabol ang Chicago sa kabuuan ng laro. Tangan ng Brooklyn ang 97-90 bentahe may tatlong minuto ang nalalabi sa laro nang rumampa ang Bulls at nagawang maitala ang iskor sa 97-all mula sa layup ni Michael Carter-Williams may 1:22 sa laro.

Hindi naglaro si Dwyane Wade, umiskor ng 16 puntos at apat na rebound, sa second half bunsod ng migraine, habang kumubra si Robin Lopez ng 12 puntos at limang rebound at umiskor si Rajon Rondo ng limang puntos, 12 assist at siyam na rebound.

Nanguna sa Nets si Brook Lopez sa natipang 33 puntos, habang bumanat si Sean Kilpatrick ng 18 puntos para sa Nets, bumagsak sa 8-23 marka.

SPURS 119, SUNS 98

Sa AT&T Center, nag-init ang San Antonio Spurs sa second half para hilahin ang anim na puntos na paghahabol sa dominanteng panalo.

Hindi nakalaro sa Spurs ang scoring leader na si Kawhi Leonard bunsod ng stomach virus at ang pagkawala niya ay sinamantala ng Suns para umabante sa halos 10 punto sa kaagahan ng fist half.

Ngunit, humataw ang Spurs sa second half sa ibinabang 18-4 run para maitarak ang 61-34 bentahe sa halftime.

Nanguna sa Spurs si LaMarcus Aldridge sa natipang 27 puntos, habang kumubra si Tony Parker ng 20 puntos at kumana ng double-double – 16 puntos at 10 rebound – si Pau Gasol.

Tumapos si TJ Warren na may 23 puntos, habang humirit sina Brandon Knights ng 14 puntos.

PELICANS 102, CLIPPERS 98

Hataw si Anthony Davis sa naiskor na 20 puntos para pangunahan ang New Orleans Pelicans sa sopresang panalo kontra Los Angeles Clippers.

Pinangunahan ni Davis ang 16-5 spurt ng Pelicans sa kalagitnaan ng final period para sa 97-87 bentahe patungo sa panalo. Nag-ambag Buddy Hield ng 17 puntos.

Kumana si Chris Paul ng 21 puntos sa Clippers, nagtamo ng ikaapat na sunod na kabiguan, habang kumayod si Austin Rivers ng 22 puntos at humugot ng 25 rebound si DeAndre Jordan.

Sa iba pang laro, dinagit ng Atlanta Hawks ang New York Knicks, 102-98; ginapi ng Washington Wizards, sa pangunguna ni John Wall na umiskor ng 36 puntos, ang Indiana Pacers.