Iniulat kahapon ng Capiz Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) na binaha ang 25 barangay sa limang bayan sa Capiz dahil sa malakas na ulan na bunsod ng tail-end of a cold front, na nakaaapekto sa Western Visayas.
Ayon sa ulat ni Capiz PDRRMC Officer Esperedion Pelaez, binaha ang 25 barangay sa mga bayan ng Dumalag, Mambusao, Cuartero, Jamindan at Tapaz sa Capiz.
Umaabot naman sa 60 pamilya ang nagsilikas at tumutuloy ngayon sa mga evacuation center.
Sinabi ni Pelaez na ang bugso ng bahay ay nagmula sa bayan ng Binggawan sa karatig na lalawigan ng Iloilo.
Sa kasalukuyan ay walang iniuulat ang PDRRMC na nasawi sa Capiz dahil sa baha.
Nakahanda naman ang iba’t ibang rescue teams at volunteer groups sa lalawigan upang rumesponde sa mamamayan, partikular sa paglikas mula sa baha. (FER TABOY)