MANANATILING executive producer ang president-elect na si Donald Trump sa reality TV show na Celebrity Apprentice, saad ng bagong host na si Arnold Scwarzenegger noong Biyernes, na ipinagtanggol ang sitwasyon ni Trump katulad sa kanyang transition sa pulitika at entertainment.
Umalis si Trump, na naging kilala sa pagsasabi ng “You’re fired!” sa pagtanggal ng mga kalahok sa programang Apprentice at Celebrity Apprentice, sa show noong nakaraang taon nang pasukin niya ang Republican presidential race.
Muling ipapalabas ang Celebrity Apprentice na ang host ay si Schwarzenegger, star ng mga pelikulang Terminator at dating two-term California governor, sa Enero 2, 18 araw bago manumpa si Trump bilang presidente.
“I knew from the beginning he is executive producer of the show... His credit was on there,” saad ni Schwarzenegger sa mga reporter sa promotional event para sa susunod na season ng show.
“It is no different than when I was running for governor and I became governor. My credit for starring in ‘Terminator’ still said Schwarzenegger and everything stayed the same and I continued getting my royalties,” aniya
Nang tanungin kung dapat bang umalis si Trump sa programa, pagbibiro ni Schwarzenegger: “I don’t think he’ll be co-hosting with me.” Iminungkahi niya na maaaring lumabas si Trump sa mga susunod na season bilang guest adviser kung mayroon itong oras.
Sinabi ng Variety, ang unang nagbalita sa desisyon ni Trump na manatili bilang executive producer, na lalabas pa rin ang pangalan ni Trump sa credits bago lumitaw ang pangalan ni Schwarzenegger. Ipinapalabas ang show ng NBC, isang unit ng Comcast Corp. (Reuters)