Patay ang tatlong lalaki na suspek sa ilegal na droga habang kritikal naman ang isang babae matapos pagbabarilin ng mga riding-in-tandem sa magkakahiwalay na insidente sa Pasig City.

Sa ulat ng Eastern Police District (EPD), dakong 9:40 ng gabi kamakalawa nang mapatay si Jhonace Ryan Dotaro, 32, ng 22 Villa Tupaz Street, Barangay San Joaquin, Pasig City.

Napag-alaman na kumakain ng hapunan si Dotaro at kanyang live-in partner nang sumulpot ang apat na suspek at pinagbabaril ang una bago tumakas lulan sa dalawang motorsiklo.

Dakong 11:30 naman ng gabi nang madiskubre ang bangkay ni Gerard John Amandy, 26, ng 687 Avocado St., Lupang Pari, Bgy. San Miguel, Pasig City.

Pag-akto ni VP Sara bilang 'legal counsel' ni Lopez, 'unconstitutional'-Rep.Chua

Ayon kay Arlito Bautista, testigo, nasa loob siya ng kanyang bahay nang makarinig ng sunud-sunod na putok ng baril at nang kanyang tingnan ay nakitang duguan at wala nang buhay si Amandy.

Pagsapit ng 1:50 ng madaling araw kahapon, pinatay sa kanyang bahay si Ismael Pangcoga, ng 23 Afable St., Bgy. Sagad, Pasig City.

Nagpapahinga si Pangcoga sa loob ng kanyang bahay nang pasukin at pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang suspek.

Samantala, kritikal naman si Evelyn Coloma, 45, ng 642 Purok 2, Barangay Pineda, Pasig City matapos pagbabarilin sa sarili niyang bahay, dakong 11:40 ng gabi. (Mary Ann Santiago)