Inilunsad ng Cancer Research UK nitong Martes ang bagong smart phone app na dinisenyo upang makatulong sa pagsusuri ng mga doktor kung nanganganib na magkaroon ng lung cancer ang mga pasyente na may pulmonary nodules.
Binuo ng Cancer Research UK at ng British Thoracic Society, layunin ng libreng iOS APP na makapagbigay sa mga doktor ng mabilis at madaliang i-access na professional guidelines at risk and growth calculators, na magagamit nila sa wastong pagsusuri sa nodules.
Ang pulmonary nodules ay ang maliliit na tissue sa baga ng tao, at bagamat halos lahat ng mga ito ay hindi nakapipinsala, ang iba sa mga ito ay maaaring maging cancerous at mangailangan ng gamutan. Sa ngayon, umaasa ang mga doktor sa CT scans at mga impormasyon ng pasyente sa kanilang record para makapagdesisyon kung ano ang susunod na hakbang para sa mga pasyente na may pulmonary nodules.
Sa pamamagitan ng bagong app, mapapabilis ang pagdedesisyon ng mga manggagamot kung maaari nang lumabas ng ospital ang pasyente, o kinakailangang bumalik para sa i-monitor, o magpapatuloy sa mas masusing pagsusuri upang makumpirma ang pagkakaroon ng lung cancer at makapabigay ng tamang paggamot, ayon sa Cancer UK.
“Using smart phones to put this knowledge into clinicians’ hands will enable them make the best possible choices more quickly and efficiently, helping to speed up the time it takes to diagnose lung cancer,” saad ni Dr. Jodie Moffat, head ng Cancer Research UK of early diagnosis. (PNA)