NAKITA ng publiko ang pag-iyak ni PNP Director General Ronald “Bato” dela Rosa na kasama ni President Rodrigo Roa Duterte sa paglipol sa mga drug pusher at user (meron na ring ilang drug lords na naitumba) sa pagdinig sa Senado noong Nobyembre 23 matapos ihayag ng mga senador, partikular na ni Sen. Migz Zubiri, na nawawalan na ng tiwala ang taumbayan sa mga pulis bunsod ng pagkakasangkot ng mga ito sa illegal drugs.
Sa testimonya ni Eastern Visayas drug lord Kerwin Espinosa, ibinunyag na bukod kay Sen. Leila de Lima, nagbibigay siya ng payola o suhol sa mga pulis sa PNP Region 8 bilang proteksiyon at upang hindi abalahin ang negosyong illlegal drugs sa naturang rehiyon. Ngumalngal, este umiyak, si Gen. Bato na hindi naman pala pusong-Bato dahil sa nawawalan na nga raw ng tiwala ang mga Pinoy sa PNP dahil sa paratang sa mga Pulis-Patola na ngayon ay nagiging Pulis-Payola.
Si Gen. Bato na parang si US actor Van Diesel sa pangangatawan (muscular) at may kalbong ulo na kamukha ni Kojak, ay hindi nangiming umiyak sa harap ng mga senador at publiko sa TV. Naiyak daw siya dahil siya ay “naglibog” (a visayan term) o nalilito at nahihirapan sa sitwasyon ngayon ng kapulisan o PNP na mahal na mahal niya na nais niyang malinis at mareporma upang gumanda ang imahe at maibalik ang kumpiyansa ng mga tao. Pero, sila pala ay sangkot sa ilegal na droga batay sa salaysay ni Kerwin.
Sa testimonya ni Kerwin, inilahad niya ang pagbibigay ng suhol sa mga opisyal at tauhan ng PNP Region 8 upang pagkalooban siya ng proteksiyon para sa multi-milyong pisong negosyong illegal drugs. “Hiyang-hiya na ako,” umiiyak si Gen. Bato nang isa-isahin ni Kerwin ang mga pulis na nasa kanyang payola.
Gayunman, may paniwala ang mga observer at sumusubaybay sa “giyera sa droga” ni Mano Digong na kung kaya naiiyak si Gen. Bato ay sanhi ng sinusumbatan na siya ng kanyang budhi dahil sa maraming pinatay na tao ang mga pulis sa ngalan ng pagsugpo sa illegal drugs. May utos kasi si President Rody sa kanya na itumba ang mga pusher at user kapag nanlaban. Pero, alam marahil ni Bato na hindi naman nanlaban ang mga biktima kundi maituturing na summary executions bilang pagsunod sa utos ni RRD. Anyway, bawat Pilipino ay sumusuporta sa pagsugpo sa illegal drugs sa ‘Pinas. Ang ayaw nila ay ang EJK.
Samantala, lalong nadidiin si Sen. Leila de Lima sa testimonya ni Kerwin sa Senado nang ibulgar ng Eastern Visayas drug lord na nagbigay siya kay Delilah, este De Lima, bilang tulong sa eleksiyon gaya ng sinabi sa kanya ng driver-body-guard na si Ronnie Dayan. Matinding pinabulaanan ito ni De Lima at sinabihan si Kerwin na sana’y patawarin siya ng Diyos dahil sa kanyang mga kasinungalingan. Pinatawad na rin daw niya si Kerwin.
Pitong taon na sapul nang maganap ang kakila-kilabot na massacre sa Maguindanao sa 58 tao, kabilang ang 32 media people, na umano’y kagagawan ng Ampatuan clan. Mabilisang ibinaon ang mga biktima ng mga armadong tauhan ng mga Ampatuan na political lords sa nasabing lalawigan, na natagpuan at nahukay din naman.
Natapos at nagwakas ang PNoy administration nang walang natamong hustisya ang mga pamilya ng mga biktima ng massacre.
Ngayon naman, tiniyak ni DoJ Sec. Vitaliano Aguirre II sa buong bansa na magkakaroon ng katarungan ang pagkamatay ng mga ito sa ilalim ng Duterte administration. Ang mass murder ay itinuturing na pinakagrabeng karahasan laban sa mga mamamahayag kaugnay ng “political violence” sa Pilipinas. Kelan kaya magtatamo ng hustisya ang mga biktima o matutulad lang sila sa libu-libong biktima ng illegal drugs na binaril umano dahil nanlaban? (Bert de Guzman)