NGAYONG ika-27 ng Nobyembre, batay sa liturgical calendar ng Simbahang Katoliko, ay unang Linggo ng Adbiyento o Advent. Ang Adbiyento ay binubuo ng apat na Linggo; maaaring maganap sa huling Linggo ng Nobyembre, tulad ngayong 2016 o sa unang Linggo ng Disyembre. Depende ito sa pagwawakas ng liturgical calendar year.
Ngayong 2016, ang liturgical calendar ay nagwakas noong Nobyembre 20, ang pagdiriwang ng kapistahan ng Christ the King o Kristong Hari. Sa unang Linggo ng Adbiyento nagsisimula naman ang bagong liturgical calendar ng Simbahan. Ang apat na Linggo ng Adbiyento ay simula ng paghahanda sa Pasko na makahulugan, masaya at makulay na ipagdiriwang ng mga Katoliko sa ika-25 ng Disyembre, ang araw ng pagsilang ng Anak ng Diyos.
Ang Adbiyento ay hango sa salitang Latin na “Adventus” na ang kahulugan ay coming o pagdating. Batay sa paniniwala ng iba ay may dalawa itong kahulugan: ang unang pagdating ay ang pagsilang kay Hesus na ating Mananakop, at ang ikalawa ay ang pagdating Niya bilang Hukom. Ang unang tala ng Roman observance ng Adbiyento ay naganap noong ikalawang siglo, sa panahon ni Pope Gelasius (492-496).
Ang apat na Linggo ng Adbiyento ay tinatampukan lagi ng pagsisindi sa apat na kandila na ang tatlo ay kulay purple at ang ikaapat ay pink. Nakatirik ang apat na kandila sa isang advent wreath o bilog na korona na kulay berde at naiilawan ng Christmas lights. Nakalagay ito sa tabi ng altar ng simbahan. Sa bawat parokya, may piniling mag-asawa upang sindihan ang advent candle. Ang pagsisindi ng kandila ay ginagawa bago basahin ng pari ang Ebanghelyo ng Misa.May binabasang maikling panalangin ang mag-asawa matapos sindihan ang advent candle.
May isinisimbolo ang apat na kandila ng Adbiyento. Ang unang kandila ng Adbiyento ay simbolo ng Pag-asa bilang paghahanda sa pagsilang ng Mananakop. Ang ikalawang kandila ay sagisag naman ng Pag-ibig. Ang ikatlong kandila ay simbolo naman ng kagalakan na sinisindihan tuwing ikatlong Linggo ng Adbiyento. Ang ikatlong Linggo ng Adbiyento ay tinatawag na Gaudete Sunday o Linggo ng Kagalakan. Ang ikaapat na advent candle ay sagisag naman ng Kapayapaan.
May paniwala naman na ang advent wreath na kinalalagyan ng apat na kandila ng Adbiyento ay sagisag ng walang hanggang pag-ibig ng Diyos sa sangkatuhan, kahit na ang mga kristiyano ay naghahanda sa pagdating Panginoon. At ang mga kandilang may ningas ay nagpapahayag ng kagalakan at pagpaparangal sa Diyos. May paniwala rin ang ibang mga Kristiyano na ang ningas ng mga kandila ay sumasagisag kay Kristo na Siyang Liwanag ng Daigdig.
Ang National Artist sa musika na si Maestro Lucio D. San Pedro ay may isinulat na relihiyosong awit na may pamagat “Mga Himnong Pang-Adbiyento”. Inaawit ito ng choir sa simula ng Misa bilang Pambungad na Awit. Ganito ang lyrics ng awit: “Ang Panginoo’y darating/Kasama ng mga anghel/Kailan ma’y ‘di magdidilim/’pagkat laging nagniningning ang liwang Niya sa atin/ Halina, halina/ Kami ay harapin/ Panginoong Panginoong Pastol naming/Sa luklukan mong Kerubin/ Dinggin mo ang aming hiling na kami’y Iyong tubusin.” (Clemen Bautista)