Umasim ang mukha ni Philippine National Police (PNP) Chief, Director General Ronald ‘Bato’ dela Rosa sa pahayag ni Senator Leila de Lima na mapapatay din si Kerwin Espinosa, hinihinalang drug lord ng Visayas.
“Mabuti pa siya, alam niya ang mangyayari kay Kerwin. Kami ay sinusubukan, nagpapakahirap upang ma-secure siya, siya (De Lima) pine-predict na niya na papatayin,” ayon kay Dela Rosa sa isinagawang press conference.
Tiniyak ni Dela Rosa sa publiko na ang 160,000 puwersa ng PNP ay nakahanda upang protektahan si Espinosa.
“Ang buong organisasyon, 160,000 sa atin, kung meron pang scalawag ay, isang amin na gustong pumatay kay Kerwin, maliit lang ‘yan kumpara sa buong PNP,” ani Dela Rosa.
Sa isang press statement nito Linggo, sinabi ni De Lima na sa tingin niya ay mamamatay din si Espinosa kapag hindi nakipagtulungan sa PNP.
Noong Nobyembre 5,napaslang ang ama ni Kerwin na si Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa, sa kanyang piitan sa Baybay, Leyte. (Fer Taboy)