Dahil sa dami ng mga riles na kinakailangan pang kumpunihin ay nagpasya ang Philippine National Railways (PNR) na ipagpaliban ang plano nitong muling buksan ang train service mula Maynila patungong Naga City.
Ayon kay PNR Acting General Manager Josephine Geronimo, sa halip na Disyembre 15, 2016, ay nagpasya silang ipagpaliban na lamang ang pagbabalik ng PNR service hanggang Bicol, sa unang bahagi ng 2017.
Paliwanag ni Geronimo, sa isinagawa nilang expedition trip noong Biyernes sa 377-kilometrong linya ng riles mula Tutuban terminal sa Manila patungo sa Ragay, Camarines Sur ay natuklasan nilang marami pang mga rail lines ang kinakailangang kumpunihin at sa dami nito ay hindi nila makakayang ayusin bago ang kanilang orihinal na target na Disyembre 15.
Kailangan din, aniya, nila ng mas mahabang oras para matanggal ang lahat ng obstructions sa mga riles tulad ng mga bahay at iba pang istruktura na itinayo sa mga riles ng mga informal settlers, gayundin ang mga tumubong mga puno, mga damo at iba pa.
Nabatid na naglaan ang administrasyong Duterte ng P214 bilyong budget para sa north-south railway project kaya tiyak na ang pagbabalik ng train services doon.
Matatandaang taong 2012 nang matigil ang biyahe ng tren mula Maynila hanggang Bicol matapos madiskaril ang isa sa mga tren nito sa Quezon na ikinasugat ng siyam na pasahero.
Nais sana ng pamahalaan na mabuksang muli ang naturang ruta ng tren bago mag-Pasko upang makatulong sa mga uuwi sa Bicol, para doon magdiwang ng kapaskuhan. (Mary Ann Santiago)