MARAHIL ay napaisip kayo kung saan ko hinugot ang titulo ng kolum na ito at kung ano ang nais kong ipahiwatig.

Siguradong awtomatiko ring pumasok sa isip n’yo ang isang blockbuster movie na ipinalabas ilang taon na ang nakararaan tungkol sa madugong sagupaan ng mga puwersa ng Spartan at Persian sa tinaguriang “Battle of Thermopylae” noong unang panahon bago pa man ipinanganak si Kristo Hesus.

Tama ang hula n’yo. Subalit ang “Spartan 300” na tinutukoy sa kolum na ito ay ang 300 matitikas na tauhan ng Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) na tumulong sa pagsasaayos ng daloy ng mga sasakyan sa EDSA sa nakaraang apat na buwan.

Inihayag nitong Lunes ni Chief Supt. Antonio Gardiola, Jr. na lilisanin na ng mga miyembro ng PNP-HPG, na kanyang binansagang “Spartan 300”, ang EDSA at ibabalik na ang traffic duties sa kamay ng mga enforcer ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Tindig Pilipinas, pinuri tapang ng EJK victims

Pero sa halip na magpahinga o bumalik sa kanilang orihinal na misyon na tumugis ng mga carnapper at kriminal, patuloy pa rin ang kanilang pagmamando ng trapiko sa bagong lugar na itinalaga ni Gardiola sa C-5 Road, Commonwealth Avenue at mga expressway sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa Pasay City.

Ito ay dahil sa inaasahang dagsa ng mga biyahero habang papalapit ang Pasko. Bukod dito, asahan din na dodoble ang dami ng mga truck na bumibiyahe papasok at palabas ng Metro Manila para mag-deliver ng kanilang mga kalakal.

Kaya huwag na kayong magtaka kung bakit lalo pang tumindi ngayon ang traffic sa halos bawat sulok ng Kalakhang Maynila.

Tiyak na pumuputok na naman ang butsi ng mga motorista dahil usad-pagong muli ang kanilang sasakyan sa pagpasok sa opisina at pag-uwi sa bahay.

Wala nang pinipili ang traffic ngayon dahil kahit anong oras ay buhul-buhol na ang mga sasakyan sa maraming lansangan.

Konting pasensiya pa ang apela ng PNP-HPG at ginagawa na nito ang lahat upang maibsan ang problemang ito.

Sa isang salu-salo na kanyang inihanda bilang pasasalamat sa kanyang mga tauhan, pinuri ni Gardiola ang mga ito dahil sa pagtatala ng “zero kotong” sa kanilang pagmamando ng trapiko sa EDSA.

Positibo si Gardiola na malaki ang maitutulong nito sa pagbabangon ng imahe ng kanilang unit na dating binansagang mga “kotong cop” dahil sa pangingikil sa mga motorista ilang taon na ang nakararaan.

Ayon kay Gardiola, iba na ang PNP-HPG ngayon. (ARIS R. ILAGAN)