SA wakas, naliwanagan din si Pangulong Rodrigo Roa Duterte matapos makipag-usap kay PNP Director General Ronald “Bato” dela Rosa tungkol sa pagbili ng 27,349 assault rifle sa United States. Sinabi ni Gen. Bato na kinausap siya ng Pangulo nang magbiyahe sila sa Malaysia at nakumbinsi niya si Mano Digong tungkol sa procurement ng mga armas na bahagi ng modernisasyon ng PNP. Ang halaga ng mga baril ay P1.7 bilyon.

Dahil “boss” ni Bato si Du30 at “bata” naman siya ng machong Presidente, nagkaintindihan sila at pinayagang ituloy ang pagbili ng mga baril. Ipinaalam niya kay RRD na walang balakid sa pagpoproseso ng mga dokumento hinggil sa bilihan ayon sa SigSauer na supplier ng assault rifle. Wala naman daw humaharang sa bilihan. Noong una, may mga report na hinarang ito ni US Sen. Ben Cardin, miyembro ng makapangyarihang US Senate Committee on foreign relations, sa pangambang baka gamitin lang ang mga ito ng Duterte administration sa human rights violations at extrajudicial killings kaugnay ng drug war ng Pangulo.

Inihayag ng Simbahang Katoliko na hindi ito mapatatahimik ng administrasyon tungkol sa pulitika, kultura at iba pang mga isyu na may kinalaman sa kagalingan at kabutihan ng mga mamamayang Pilipino at ng mga mananampalataya. Ayon kay CBCP President Archbishop Socrates Villegas ng Lingayen-Dagupan, ang Catholic Church ay nakararanas din ngayon ng mga pag-uusig sa layuning mapatahimik at iwasang magkomento sa ilalim ng administrasyong Du30.

“The Church should be at the pulpit, the sacristy and if the Church teaches about ethics and morality in human behavior, it is considered interference of the Church,” sabi ni Villegas. Hindi aniya ito pakikialam kundi para sa kabutihan at kagalingan ng mga tao. Dapat daw maintindihan ito ng Pangulo.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Kung magulo at nahahaluan ng kontrobersiya ang halalan sa Pilipinas, dumaranas din ngayon ng kontrobersiya at kaguluhan ang US bunsod ng pagkapanalo ni Donald Trump laban kay Hillary Clinton. Ilang araw na ang mga protesta sa ilang mga lugar at siyudad sa Amerika sapagkat hindi nila matanggap ang tagumpay ni Trump na isa raw sexist, racist at misogynist. Samantala, plano ni Trump na ipa-deport ang may 3 milyong undocumented immigrant. Gayunman, sinabi niyang ang ipatatapon niya ay iyong may criminal records, gang member, at drug dealer. Tuloy din ang plano niyang pagtatayo ng pader sa border ng US at Mexico upang hindi makapuslit ang mga Mexicano papuntang US.

Inamin ni Sen. Leila de Lima na talagang nagkaroon sila ng relasyon ng kanyang driver na si Ronnie Palisoc Dayan.

Inamin niya sa interview ni Manang Winnie (Monsod) na ilang taon din silang naging mag-lover ni Dayan na ayon sa iba ay “sweet lover”. Sabi nga ni Balagtas: “O pag-ibig na makapangyarihan, kapag nasok sa puso ninuman, hahamaking lahat masunod ka lamang.”

Samantala, heto ang mga bagong pambansang titulo: Pambansang Kamao— Manny Pacquiao; Pambansang Bato— Gen. BATO; Pambansang Mura— President Du30; at Pambansang Ugnayan— De Lima at Dayan. (Bert de Guzman)