Binabantayan ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang low pressure area (LPA) na posibleng maging super typhoon pagpasok nito sa Philippine Area of Responsibility (PAR) sa susunod na linggo.
Sa panayam ng DZMM nitong Miyerkules, Abril 8, sinabi ni PAGASA weather forecaster Benison Estareja na bagama’t tinatayang nasa 3,000 km pa ang layo ng LPA mula sa Pilipinas, lalakas pa umano ito at magiging tropical depression sa loob ng 24 oras.
“Mayro’n tayong namamataan…Nandiyan ‘yong probability na maging typhoon ito o supertyphoon pero ‘yong track nito sa ngayon pagdating niya o paglapit sa Philippine area of responsibility wala pa naman kasiguraduhan,” saad ni Estareja.
Dagdag pa niya, “Ang worst case scenario natin ay pagpasok niya ng Wednesday, then pagsapit ng Friday next week or weekend next week ‘yon ‘yong time na pinakamalapit siya sa kalupaan, specifically sa Northern Luzon.”
Gayunman, wala umanong magiging epekto sa lagay ng panahon ang naturang LPA para sa linggong ito.
Samantala, tatawaging “Caloy” ang binabantayang bagyo sa oras na makapasok ito sa PAR.