Patay ang isang tricycle driver makaraang pagbabarilin ng walong hindi pa nakikilalang lalaki habang naghihintay ng pasahero sa Mandaluyong City, kamakalawa ng gabi.
Naisugod pa sa Victor R. Potenciano Medical Center si Benjamin San Jose, alyas “Bad Boy”, 48, may asawa, ng Ilaya Street, Barangka Ilaya ng nasabing lungsod, ngunit nasawi rin habang nilalapatan ng lunas.
Ayon sa Mandaluyong City Police, nag-aabang ng pasahero ang biktima dakong 6:52 ng gabi, sa Ilaya Street, malapit sa barangay hall, nang lapitan ito ng walong suspek saka pinagbabaril bago nagsitakas.
Kabilang umano sa “district drug watch list” ang biktima kaya posibleng may kinalaman sa ilegal na droga ang pamamaril.
Patuloy ang imbestigasyon sa insidente. (Mary Ann Santiago)